WALA nang buhay nang makita ang isang lalaki sa ilalim ng isang footbridge sa kahabaan ng España Blvd., sa bahagi ng Brgy. 471, Sampaloc, lungsod ng Maynila, nitong Miyerkoles, 19 Pebrero.
Naiulat ang insidente dakong 1:45 ng hapon ngunit tinatayang naganap ito dakong 1:25 ng hapon.
Inilarawan ang biktima na isang lalaking may suot na dilaw na kamiseta, abuhang pantalon, at itim na sapatos, na natagpuang nakahandusay sa kalsada na bumubulwak ang dugo mula sa kaniyang ulo.
Ayon sa saksing kinilalang si Mark Lester Angeles, 31 anyos, binabagtas niya ang kalsada sakay ng kaniyang bisikleta nang makarinig siya ng tunog na parang may bumagsak na mabigat na bagay.
Nang kaniyang tingnan, nakita niya ang katawan ng biktima sa kalsada kaya agad siyang humingi ng tulong.
Nagresponde ang mga tauhan ng Manila Police District na dumating sa pinangyarihan ng insidente dakong 1:55 ng hapon.
Nang dumating ang mga pulis, wala nang hininga at pulso ang biktima.
Ipinasa ang kaso sa Homicide Section ng MPD para sa mas malalim na imbestigasyon.
Samantala, naglabas ng pahayag ang University of Santo Tomas (UST) Central Student Council na nagpapayo sa mga estudyante na huwag mag-atubuling humingi ng propesyonal na gabay kung may nararanasang pagkabalisa.
Nanawagan rin ang student council sa mga estudyante na huwag ikalat ang mga larawan, video, at iba pang mga materyal kaugnay sa insidente bilang respeto sa mga apektado nito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com