ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MULING mapapanood sa isang horror movie si Phoebe Walker. Ito’y via Lilim na tinatampukan ni Heaven Peralejo, na unang major role niya sa horror genre sa papel na Issa.
Inusisa namin si Phoebe sa role niya sa kanilang pelikula.
Esplika ng aktres, “Ako rito si Josephine, isa sa mga madre na matatagpuan nina Heaven sa bahay-ampunan. Tahimik lang ako lagi at may pagka-misteryosa ang role ko sa movie.”
Aniya, “Horror at suspense ang genre nito, at pang-pito ko na ito na horror project.”
Suki yata siya ng horror films? “Marami na rin akong nagawa na genre – action, romance, comedy, drama… Pero nagkataon po na horror ang pinakamarami talaga.”
Bakit Lilim ang title?
“Lilim kasi ang tawag sa samahan naming mga madre, at the same time parang magiging “safehouse” kami para kina Heaven at Skywalker na may tinatakasang krimen sa siyudad,” pahayag ng aktres.
Nabanggit ni Phoebe na naniniwala siyang may audience o may market talaga sa ating bansa ang horror genre.
Aniya, “Isa sa paboritong genre ng pelikula ang horror sa Filipinas, kaya masaya ako na laging mapabilang sa ganitong pelikula.”
Sa online app ba o sa mga sinehan ito ipalalabas? “Yes po, sa mga sinehan, napili at nasali siya sa Rotterdam International Film Festival noong nakaraang buwan. Ngayong March 12 naman ipapalabas sa mga sinehan sa Filipinas.”
Ano ang reaction niya na active na ulit ang mga pelikula na maipalabas sa mga sinehan? “Masaya ako na marami-rami na ulit ang sumusubok magpalabas sa sinehan, pero siyempre sana maging malakas ang suporta ng manonood para tumagal ito sa mga sinehan.
“Iba pa rin talaga kasi ang experience nang nanonood sa big screen, lalo na kapag horror,” pakli pa ng aktres.
Mula sa pamamahala ni Mikhail Red, tampok din dito sina Eula Valdez, Mon Confiado, Gold Aceron, Ryza Cenon, at iba pa.
Ano ang masasabi niya sa kanyang co-stars dito? “Sobrang na-starstruck ako kay Ms. Eula, kasi pinapanood ko siya rati sa Pangako Sa ‘Yo… Napakabait niya, professional, her personality is very chill and parang go with the flow. Her car and her outfit the time I met her, was rock and roll.
“Ang the rest of the cast naman, sina Heaven, Ryza, Kuya Mon, etc, ilang beses ko na nakatrabaho sa iba’t ibang proyekto, kaya naging magaan at napaka-professional sa set.
“Hanga ako sa buong team ng Lilim dahil napaka-considerate nila sa akin noong nagsu-shoot kami, especially because may mga kasabay akong proyekto na ginagawa noon.”
How about ‘yung director n’yo sa Lilim? “Si Direk Mikhail Red nakatrabaho ko na sa HBO series dati na “Halfworlds season 3” noong pandemya. Napaka-cool niyang direktor, chill lang at kita mong may tiwala at workflow sila na maayos sa production.
“Natutuhan ko rin at nakatulong sa akin ‘yung technique niya of using music para ma-motivate ang artista sa gusto niyang tone or emotion sa eksena. Gamit ko lagi ang technique na ito, kahit sa ibang proyekto.”
Ano ang kakaiba sa movie na ito na dapat abangan? “Maganda ang twist at turn ng pelikula, maganda ang sekreto na itinatago sa bahay-ampunan, mahuhusay din ang pagganap ng artista at kitang-kita ang puso at dedikasyon ng bawat miyembro ng produksiyon.”
Bakit dapat panoorin ang movie? “Bukod sa magandang istorya, napakagaling manakot ni direk Mikhail at ng Evolve Studios. Kumbaga, forte na nila ang horror at bawat isang karakter sa pelikula may dagdag na lalim at bigat.
“Sana panoorin ninyo ang Lilim, dahil kakaibang experience ito na hindi n’yo kakayaning solohin sa sinehan,” wika pa ni Phoebe.
Aminado rin siyang nag-e-enjoy sa paggawa ng horror films.
“Yes po, enjoy akong gumawa ng horror films, para kasing nasa ibang mundo ka, exciting talaga sa shooting pa lang. At masarap pong panoorin ang reaction ng audience,” nakangiting sambit ni Phoebe.
“Dati binibiro nga akong Horror Queen… sa Seklusyon din naman ako talaga unang nakilala,” pahabol niya hinggil sa 2016 MMFF horror entry nila na nanalo siyang Best Supporting Actress.