DALAWA katao ang arestado matapos makompiska mula sa kanilang pag-iingat ang tinatayang P8.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu na ibinalot sa pakete ng freeze-dried durian sa ikinasang buybust operation sa Brgy. San Antonio, lungsod ng Makati, nitong Miyerkoles, 19 Pebrero.
Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang mga suspek na sina alyas Wewel at alyas Madam, kapwa 28 anyos.
Ayon sa ulat ng pulisya, tagumpay na nakabili ang undercover na operatiba ng P1-milyong halaga ng shabu mula sa mga suspek na nakabalot sa vacuum-sealed foil pack na may tatak na freeze-dried durian na nakasulat sa letrang Chinese.
Sa gitna ng operasyon, narekober ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu at iba pang drug paraphernalia.
Kahaharapin ng dalawang suspek ang mga kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na kasalukuyan nang inihahanda para isampa sa Makati City Prosecutor’s Office.
Pinapurihan ni SPD Director P/BGen. Manuel Abrugena ang Makati CPS sa tagumpay ng inilatag nilang operasyon kontra ilegal na droga.