ARESTADO ang dalawang lalaki matapos holdapin ang isang taxi driver sa Bagong Barrio, sa lungsod ng Caloocan, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 12 Pebrero.
Ayon kay Bagong Barrio Sub-Station commander P/Capt. Mikko Arellano, napag-alamang magpinsan ang dalawang suspek na nasa 26 at 19 anyos.
Aniya, nagpapatrolya ang kaniyang mga tauhan nang biglang lumapit sa kanila ang biktimang taxi driver at isinumbong ang panghoholdap sa kaniya ng dalawang suspek saka tumakas patungong Quezon City.
Natangay ng mga suspek ang cellphone ng biktima at perang nagkakahalaga ng P1,600.
Dagdag ni Arellano, naharang ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang mga suspek matapos nilang tumakas at maglakad sa bahagi ng Balintawak.
Dito naabutan ng mga pulis ng Bagong Barrio Sub-Station at ng biktima ang mga suspek na positibo niyang kinilala.
Nakompiska mula sa 26-anyos na suspek ang isang kalibre .38 baril ngunit hindi na nabawi ang ninakaw na mga gamit ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na notoryus na magnanakaw sa lugar ang mga suspek.
Ayon sa 19-anyos na suspek, napilitan lamang silang magnakaw dahil wala na silang panggastos at panglima na ang pagholdap nila sa taxi driver.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Bagong Barrio Sub-Station ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong robbery hold-up.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com