RATED R
ni Rommel Gonzales
HANGGANG ngayon ay tila umaalingawngaw pa rin ang pagtawag ng pangalan niya bilang Best Actress sa 50th Metro Manila Film Festival para sa horror/drama film na Espantaho. Ito ang inamin sa amin ni Judy Ann Santos nang makausap sa Thanksgiving lunch para sa buong team ng Espantaho sa Chef Jessie Rockwell Club sa Makati noong January 15, 2025.
“‘Yung pagtawag sa pangalan ko, ‘yun ang blurred noong mga pangyayari.
“Parang kapag bumabalik ako roon sa moment na ‘yun, kahit ‘yung time na nakasakay na ako ng sasakyan pauwi, yung, ‘Totoo ba ito? Totoo ba talaga ito?’
“Tapos kalong-kalong ko ‘yung award, ‘yung trophy, na parang tinititigan ko, na parang, ‘Ay oo, ang bigat nga! Akin ba talaga ito?’
“Nandoon eh, ‘yung hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na sa sampung pelikula…‘though we had a lot of nominations, nakapag-uwi pa kami ng isa. And palagi kong sinasabing ‘kami’ kasi hindi naman mabubuo ‘yung ‘Espantaho’ kundi sa kabuuan ng produksiyon, ng staff, ng crew, ng lahat ng cast.
“Ito ‘yung mga bagay na alam kong hindi ko ito maiuuwi kung hindi dahil of course kay direk Chito, sa materyal ni direk Chris, sa tiwala ni Atty. Joji, at sa powerhouse cast ng ‘Espantaho’ kasi naggabayan talaga kami.
“Hindi ko pa rin talaga alam kung anong sasabihin ko eh, kasi parang hindi siya totoo.
“‘Yung nangyari ba talaga ito? Seryoso ba ito? Sabihin na nilang ang arte-arte ko,” natatawang wika ng aktres.
Ang Espantaho ay idinirehe ni Chito Roño, sa panulat ni Chris Martinez at mula sa Quantum Films ni Attorney Joji Alonzo, katuwang ang Cineko Productions at Purple Bunny Productions na produksiyon ni Judy Ann.
“Hindi ko pa lang talaga ma-digest ba, na nangyari siya sa akin. But of course, of course, sobra akong grateful sa jury, sa lahat, sa lahat-lahat ng bumoto for me to be 2024 Best Actress sa Metro Manila Film Festival.
“Sobrang laki ng gratefulness ko, pero hindi ko rin talaga alam kung sapat pa rin ba ‘yung trabaho ko, kasi hindi nga ako magandang gauge ng sarili kong mga proyekto.
“But then again, nandoon ako sa okay lang naman din na hindi ako naliligayahan sa trabaho ko, kasi ibig sabihin binibigyan ko pa rin ng malaking espasyo ‘yung skills ko sa pagiging artista, na mayroon pa akong room for improvement and ina-address ko ‘yun.
“Alam ko sa sarili ko na hindi sapat na hanggang dito lang ako, so I’m still willing to learn. I’m still excited to work with new directors and new writers, of course veteran actors, directors and writers, kasama naman sa pangkalahatan ‘yun.
“Pero again, kung tatanungin mo kung kailan ko ito mada-digest? Hindi ko alam.
“Parang gusto ko munang panghawakan itong trophy na ito in the next 10 years bago ako ulit sumali sa isang festival,” sambit pa ni Juday.
Milestone ang pagwawagi ni Judy Ann dahil ika-50th anniversary ng MMFF kaya binsagan siyang Golden Best Actress.
“Kaya nga. Siguro kaya hindi ko siya ma-digest, kasi parang history na, history pa,” ani Juday.
“Talagang ang dami kasi talagang…napakaraming magagaling.
“Hindi naman kayo makakapasok sa 50th MMFF kung hindi mahuhusay lahat ng pelikula, hindi ba?
“So to be singled out with the other actors or participants at ikaw ang makapag-uwi niyong final award na iyon noong gabing ‘yun… well actually, hindi pala final kasi best picture pala ‘yung final.
“Iba. Iba ‘yung… kaya lutang ako noong sinabi ni Atty, ‘Halika na, umuwi na tayo’, tayo naman ako, umuwi na… hindi na ako naghintay ng kung ano pa man kasi talagang lutang na lutang ako.
“Hindi ko alam kung saan ako pupunta, anong mangyayari? Anong gagawin?
“Pagdating nga natin sa bahay, parang tulala pa rin ako, na parang nagising ako, humarap ako… hinanap ko kaagad ‘yung award ko kasi baka nga nananaginip lang ako,” at muling tumawa ang aktres.
“Saan ko ba siya inilagay? Nasaan ba ito? Pati iyung envelope, hinanap ko pa, kasi feeling ko hindi talaga siya totoo.
“Pero thank you Lord, totoo,” bulalas pa ni Judy Ann. “Ang sarap, ang saya ng pagtatapos ng 2024, tapos napakasarap ng opening ng 2025 ko.
“So thank you Lord, thank you universe, nandito lang ako para mag-abang sa kung ano pang ibibigay sa akin ng Panginoon for this year.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com