HATAW News Team
HINDI nakaligtas sa kamatayanang tatlong magkakapatid na babae, edad 5, 11, at 16 anyos
nang tupukin ng apoy ang isang 2-palapag na residential building sa Sta. Mesa, lungsod ng Maynila nitong Martes ng hapon, 14 Enero.
Umabot sa unang alarma ang sunog sa Guadalcanal St., Brgy. 597, na nirespondehan ng siyam na truck ng bombero.
Tuluyang naapula ang apoy dakong 5:58 ng hapon.
Ayon kay Chairman Francisco Blanco ng nabanggit na barangay, malakas ang usok ngunit walang apoy nang madatnan nila ang insidente.
Aniya, kinailangang umakyat sa bubong ng katabing bahay ang mga tanod at mga residente upang subukang apulahin ang apoy bago dumating ang mga bombero.
Ayon sa Manila Fire District, walang bintana ang bahay, na aabot sa P30,000 ang halaga ng pinsala.
Anila, nahirapan silang pumasok sa compound dahil sa kitid ng daanan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog, ngunit ayon kay Blanco, walang koryente ang tirahan ng mga biktima.
Tumangging magbigay ng pahayag ang nanay ng tatlong batang babaeng na sinabing naghahanapbuhay bilang vendor.