ARESTADO ang dalawang hinihinalang holdaper sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad sa 8th Ave., Brgy. 61, sa lungsod ng Caloocan, nitong Lunes, 13 Enero.
Kinilala ng Caloocan CPS ang mga suspek na sina alyas Romel at alyas Mark, na pinaniniwalaang nangholdap sa isang 31-anyos na online seller.
Ayon sa biktimang kinilalang si alyas Liz, tinutukan siya ng baril ng mga suspek saka kinuha ang kaniyang cellphone.
Agad na nakahingi ng tulong sa mga nagpapatrolyang pulis ang biktima na mabilis na nagresponde at nakadakip sa mga suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang nakaw na cellphone, isang sumpak na may bala ng 9mm, at isang granada.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Caloocan CPS ang mga suspek na mahaharap sa paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9516 o Illegal Possession of Explosives, at paglabag sa Omnibus Election Code.