ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
TULOY pa rin ang kantahan at madyik sa “Wicked: Sing Along” na tumanggap ng PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) rating mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Sa PG, puwede itong panoorin ng mga batang edad 12 pababa kasama ng magulang o nakatatanda.
Bida sa pelikula sina global superstar Ariana Grande bilang Glinda at multi-awarded artist na si Cynthia Erivo bilang Elphaba.
Mapapakinggan at masasabayan ng mga manonood ang mga pumatok na kanta tulad ng “Defying Gravity,” “The Wizard and I,” at “Popular.”
Swak naman sa mga naghahanap ng aksiyon at pakikipagsapalaran ang animated film na “Attack on Titan: The Last Attack,” mula sa Pioneer Films. Ito’y rated R-13 (Restricted-13) at para sa mga edad 13 pataas.
Rated R-13 din ang Thai comedy-horror na “Rider” na pinagbibidahan ni Mario Maurer.
Maging ang “Dominion of Darkness” na tungkol sa eksorsismo at ang American action-crime-drama na “Den of Thieves 2: Pantera,” ay kapwa nabigyan ng R-13, dahil sa tema, lengguwahe at katatakutan.
Samantala, dahil sa matinding panawagan ng publiko, pinalawig o extended hanggang Enero 14, 2025 ang 10 pelikula na kalahok sa 50th Metro Manila Film Festival.
Patuloy na hinikayat ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang publiko na suportahan ang mga lokal at internasyonal na pelikulang palabas ngayong linggo.
“Lubos po ang aking pasasalamat sa pamilyang Filipino sa kanilang pagsuporta sa industriya ng pelikulang Filipino,” sabi ni Chair Sotto-Antonio.
“Ngayong 2025, ipinapaalala natin sa mga magulang at guardian na maging aktibo sa paggabay sa panonood ng mga bata at ipaliwanag ang mga eksenang posibleng makaapekto sa kanilang murang kaisipan.”