MULING nadakip ang isang babaeng online seller matapos mahulihan ng halos P1-milyong halaga ng ilegal na droga sa ikinasang sa buybust operation ng mga awtoridad sa Bgy. Karuhatan, lungsod ng Valenzuela, nitong Sabado ng hapon, 11 Enero.
Ayon kay P/Col. Nixon Cayaban, hepe ng Valenzuela CPS, isang linggong minanmanan ng kanilang mga operatiba ang suspek na nakatalang isang high value target ng estasyon.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na suma-sideline bilang online seller ang suspek habang nagbebenta ng ilegal na droga sa iba’t ibang lalawigan gaya ng Cavite, Laguna, at Bulacan.
Nakipagtransaksiyon ang police poseur buyer sa suspek para sa P15,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang bakanteng lote sa nabanggit na barangay.
Nakompiska mula sa sa suspek ang 140 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng hindi bababa sa P950,000.
Nabatid na dati nang nadakip at nakulong ang suspek noong 2023 dahil sa pangangalakal ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Sub-Station 2 ng Valenzuela CPS at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.