PINANGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna – Pangan ang pamamahagi ng mga kahon na naglalaman ng dalawang kilong frozen mackerel sa mga residente ng BASECO at Tondo sa Maynila kasama sina Vice Mayor Yul Servo Nieto at Manila 5th district congressman Irwin Tieng.
Buong pusong ipinahayag ni Mayor Lacuna ang pasasalamat ng lungsod kay PBBM sa pagpili ng Baseco at Tondo para tumanggap ng libo-libong kilo ng mackerel mula sa nasamsam na smuggled shipment.
Ani Lacuna, “Thank you for always keeping Manileños in mind whenever they can benefit from any form of national government’s assistance.”
Binanggit ni Lacuna ang efficient system na ipinatutupad at ginagawa ng Office of the Manila Department of Social Welfare sa ilalim ni Re Fugoso.
Dahil sa sistemang ito, sinabi ng alkalde na madaling matukoy ang mga beneficiaries at madaling tipunin para sa distribusyon anomang oras.
Ang nasabing sistema ay isa rin sa dahilan kung bakit madaling makipagtrabaho ang Maynila sa Malacañang at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ayon kay Lacuna.
“Hindi po matatawaran ang malasakit na ipinapakita ni Pangulong Bongbong Marcos sa ating mga Manileño. Ang bawat kahon ng isdang ito ay hindi lang pagkain, kundi simbolo ng pagkalinga ng ating pamahalaan sa mga Manileño. Hindi matitinag ang Maynila sa pagsusulong ng bayanihan at pagkakaisa para sa kapakanan ng bawat pamilyang nangangailangan,” sinabi ni Lacuna na pinasalamatan niya rin si DSWD Secretary Rex Gatchalian, Interior Secretary Jonvic Remulla at Agriculture Francis Tiu Laurel, na tiniyak na ligtas kainin ang mga nasabing mackerel.
Ang nasabing frozen mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 million at imported mula China ay sinamsam ng Manila International Container Terminal (MICT) sa Tondo, noong 14 Disyembre 2024.
Ang nasamsam na mga kargamento ng mga frozen fish, lulan ng 21 container vans ay dumating sa Manila International Container Port (MICP) noong Oktubre at nananatiling unclaimed ng consignee. Nabatid na ang kargamento ay kulang ng kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance.
Dahil dito ipinag-utos ni Laurel na isailalim ang mga frozen mackerels sa laboratory tests upang malaman kung ligtas itong kainin dahil ipapamahagi ito sa mga lugar na naapektohan ng mga nagdaang bagyo.
Nauna rito, sina President Marcos, Jr., at Lacuna ay magkasamang namahagi ng Christmas gift sa mga wards ng Manila city government-run Boys’ Town Complex sa Marikina.
Ayon kay Fugoso, may 4,000 packages ang ipinamahagi sa mga wards at maging sa mag-aaral at kawani ng Valeriano E. Fugoso Memorial School na nasa loob mismo ng Boys’ Town complex.
Isang araw bago ito, sina President Marcos, Jr., at Mayor Lacuna ay nag-abot ng tulong sa mahigit 2,000 nawalan ng tirahan dahil sa sunog sa mataong lugar ng Puting Bato sa Tondo.
Sinabi ni Lacuna na ang patuloy na suporta na ibinibigay ni President Marcos, Jr., sa lungsod ng Maynila ay malaking tulong sa kabila na ang kanyang administrasyon ay nagtatrabaho sa gitna ng pagkakabaon sa utang na P17.8 bilyong na iniwan aniya’y iniwan ni ex-mayor Isko Moreno. (BONG SON)