MULI na namang gumawa si Manila Mayor Honey Lacuna ng kauna-unahang record sa kasaysayan ng lungsod at ito ay hindi kailanman nagawa ng mga dating alkalde ng kabiserang lungsod ng bansa.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Maynila, ang lokal na pamahalaan nito sa ilalim ng administrasyon ng city’s first lady mayor, Honey Lacuna, ay ginawaran ng Seal of Good Local Governance (SGLG).
Ang highly-prestigious seal, na iginawad sa Manila city government ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Lunes, 9 Disyembre 2024 sa makasaysayang Manila Hotel, ay personal na tinanggap nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo.
Ang mga hepe ng lahat ng departamento sa pangunguna ni City Administrator Bernie Ang, ay naroon upang makipagdiwang kay Lacuna.
Ang SGLG ay sumisimbulo sa dedikasyon at kahusayan ng Manila LGU sa ilalim ng pamamahala ni Lacuna, sa pagtataguyod ng good local governance na may umiiral na transparency, integrity, at excellent delivery of services sa lahat ng nasasakupan nito.
Gaya nang dati, hindi inangkin ni Lacuna ang kredito sa nasabing karangalan, sa halip ay pinasalamatan niya ang lahat ng city officials at mga kawani. Ang kanilang mga tulong at dedikasyon ay nagresulta sa pagkakagawad ng SGLG sa lungsod.
Pinasalamatan din ni Lacuna ang mga residente ng Maynila sa kanilang pakikipagtulungan at suporta.
“Hindi natin makakamit ang SGLG nang ako lamang mag-isa. Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng aking kasamahang nagtatrabaho sa pamahalaang-lungsod ng Maynila.
Sa sama-sama nating pagsisikap, walang imposible,” saad nito.
Idinagdag ni Lacuna: “Para sa inyo ito, mga mahal kong Manilenyo. Makaaasa ang mga taga-Maynila na patuloy kaming maglilingkod nang tapat at totoo at patuloy naming sisinupin ang pondo ng Maynila para sa kanilang kapakinabangan at higit sa lahat, hinding-hindi kami mang-iiwan.”
Ang SGLG ay institutionalized, recognition-based program para sa napakahusay na pamamahala ng mga LGU. Ang mga awardees ay tatanggap ng SGLG marker at SGLG Incentive Fund para pondohan ang local development initiatives at higit pang magsusulong ng national goals and strategic thrusts.
Para maging awardee, ang LGUs ay dapat pumasa sa set of governance areas, kabilang na ang financial administration and sustainability; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace and order; environmental management; tourism and public safety. (BONG SON)