SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SALUDO kami sa dami ng event ni MMDA Chairman at concurrent MMFF ExeComm Chairman Atty. Romando “Don” Artes para sa 50th Metro Manila Film Festival.
Pagkatapos ng Celebrity Golf Tournament na ginanap sa Wack-Wack Golf and Country Club, Mandaluyong City noong December 3, ginanap naman ang MMFF 2024 Grand Media and Fan Con sa Quantum Skyview ng Gateway Mall 2, Cubao, Quezon City, noong December 6, 2024.
Present sa event ang mga bida at supporting cast ng 10 official entry sa 50th MMFF tulad ng Uninvited, Espantaho, And The Breadwinner Is…, Topakk, Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital, Hold Me Close, Green Bones, The Kingdom, Isang Himala, at My Future You.
Napakasaya ng nangyaring pagkikita na animo’y reunion ng magkakaibigang artista lalo na iyong may entry sa MMFF 2024.
Nagkita sina Gladys Reyes na kasama sa And The Breadwinner Is… at Judy Ann Santos ng Espantaho.
Kitang-kita ang excitement sa dalawa na mahigpit na nagyakapan nang magkita. Sabi nga ng mga taong naroon, muling nagkita sina Mara at Clara na original na bida sa classic series na Mara Clara na ipinalabas sa ABS-CBN.
Kinagiliwan din ng audience si Eugene Domingo na may dalawang entry, ang And The Breadwinner Is…at Espantaho.
Click ang interview ni Enchong Dee, host ng hapong iyon kay Uge. Tila bardagulan ang nangyari. “Ito naman ‘yung susunod nating tanong from Virgie San…ito para kay Uge at kay Gladys. How can you relate your movie to us, senior citizens? Thank you.”
“Okay, sige, aaminin ko na. Magka-batch kami ni Chanda Romero (kasama sa cast ng ‘Espantaho’) noong 1974. Naalala mo?
Akalain mong umabot tayo ngayon 2024, Chanda?
“Kasama si Tommy Abuel. Alam mo ‘yan? Oo. So, masaya ka na, Enchong?” hirit ni Uge sa aktor.
“Tanong kasi ni Virgie ‘yun. How can you relate this film to the senior citizens?” balik-tsika ni Enchong.
“Ito na lang. Seryoso na lang. Eh, hindi lang naman senior citizens ang kailangan manood, Enchong.
“Oo, pati ikaw. Yes. At saka tayong lahat. Kasi parte ito ng katotohanan. Sa pamilyang Filipino, lahat tayo may kilalang breadwinner. Baka ikaw ang breadwinner?
“So, isipin na lang natin na ‘pag pinanood natin ang ‘Breadwinner,’ baka naman may mensahe ito sa ‘yo,” sabi pa ni Uge.
Samantala, inihayag ni Chair Artes ang pagiging proud nila sa 10 MMFF entry this year.
“Abangan po natin sila sa cinemas starting December 25. Mayroon po tayong parada ng artista sa Maynila sa December 21 at Awards Night sa Solaire, December 27. So, kita-kita po tayo sa sinehan!”paanyaya ni Artes.