IPINAKILALA ng Blvck Entertainment Production, Inc. at Blvck Music ang dalawang bagong OPM bands na tiyak na tatatak sa ating mga puso dahil sa kanilang orihinal na “Hugot love songs.” Ang tinutukoy namin ay ang Sentidrama at Padayon.
Nakuha ng Sentidrama at Padayon ang simpatya at tiwala ng mag-asawang inhinyero na sina Louie at Grace Cristobal dahil ang kanilang musika aty tiyak na idaragdag sa playlists ng mga Gen Z.
Ilalabas na ng Sentidrama, ang bandang nagmula sa Tarlac, ang kanilang self-titled digital album sa ilalim ng BIvck Music. Ang Sentidrama ay binubuo nina Mac Concepcion (Vocals), Paul Tagarro(Bass), John Ramil (Guitar), Jake Puno (Drums), at Lenogz Espelico (2nd Guitar).
Lahat ng miyembro ay mahilig tumugtog kaya iyon ang nagbunsod para mabuo ang banda at makabuo ng magagandang musika. Gaya ng ipinahihiwatig ng kanilang pangalan na “sentimental” at “dramatic” ang kanilang musika ay tiyak na tatatak sa damdamin ng tao. Taong 2021, nang ilabas nila ang awiting Liham na ginawang tema ng GMA FantaSeries, ang Heirs of the Night. Pinamagatang Pagtinginnaman ang kanilang carrier single, isang awit na nagsasabi tungkol sa pananabik ng isang tao para sa atensyon ng minamahal.
Kasama rin sa album ang mga awiting Ulap, Dating Ikaw, Sa Aking Tabi, Sana Ika’y Bumalik, Humawak Ka Lang, Kahapong Nagdaan, Labis, at Pighati.
Ang isa pang banda na nasa pangangalaga rin ng Blvck Music ay ang Padayon. Sa binubuong self-titled digital album, nangangako ang grupo na magbabahagi sila ng mga bagong kanta na tiyak na makaaantig sa mga puso.
Ang Padayon ay mga Leyteno na aktibo sa kanilang lokalidad. Nagkaroon sila ng pagkakataong ilabas ang kanilang orihinal na musika noong 2012 sa ilalim ng isang music label, na nang mag-expire ang kontrata ng ilan sa mga miyembro ay umalis at naghanap ng iba pang karera. Nanatili ang mga natitirang miyembro at ipinagpatuloy ang pangarap na makapaglabas ng album, kaya nabuo ang bagong pangalan na Padayon na ang ibig sabihin ay magpatuloy at magtiyaga.
Binubuo ang Padayon nina Caloy Sablawon (Vocals), Xilon Daep (2nd Guitar), Robs Renomeron(Drums), at Trix Rubenecia (Bass). Ang carrier single ng banda ay Kahit Na Sandali na ukol sa kagustuhan ng persona na makasama ang isang mahal sa buhay na nawala sa kanya at walang malinaw na pagtatapos.
Kasama sa album ang Sa Aking Alaala, Dinggin Mo Sana, Ligaw Tingin, at Hadlang.
Ilalabas ang mga digital album ng Sentidrama at Padayon sa mga music streaming platform ngayong Disyembre. Samantalang mapapanood sa YouTube ang Pagtingin music video ng Sentidrama na idinirehe ni Edrex Sanchez.
Malapit na ring mapapanood sa YouTube ang Kahit Na Sandali music video ng Padayon, na idinirehe rin ni Edrex.
Lahat ng content na ginawa para sa Sentidrama at Padayon ay ginawang posible ng Alkaviva Waters Philippines, GLC Infinite Waters International Co., Grace Electronics Philippines, Blue Green Dragon Marketing, LG Realty Development, at Blvck Creatives Studio. (MVN)