SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ISANG panibagong milestone na naman ang nagawa ng award-winning actor at lingkod bayan na si Alfred Vargas sa pagkakapanalo niya sa Japan Film Festival para sa pelikulangPIETA.
Ang ikatlong award para sa Pieta ay tinanggap ni Alfred mula sa Ima Wa Ima Asian International Film Festival sa Osaka, Japan.
Ang full-length movie na pinagbibidahan din ng Pambansang Alagad ng Sining, Nora Aunor, at multi-awarded na aktres at direktor, Gina Alajar, at idinirehe ni Adolf Alix, ay nagpanalo rin kay Alfred bilang Best Actor sa 72nd FAMAS Awards at sa 3rd WuWei Taipei International Film Festival.
“I am very humbled and proud to receive this award! Sa Diyos ang Kaluwalhatian!,” unang nasabi ni Alfred nang matanong ukol sa award na natanggap.
“Ang daming nominees from other countries like Japan, Korea, Indonesia among others, at nakatataba ng puso na na-recognize ‘yung performance natin for ‘PIETA.’
“I am very honored kasi international recognition ito at kahit paano ay narepresent natin ang Pilipinas dito at naiwagayway natin ang ating bandila together for other Pinoy awardees. Kayang-kaya talaga nating makipagsabayan sa world stage at ang creativity at talent ng Filipino ay walang kaparis!
“Gusto kong pasalamatan ang ating superstar na si Ms. Nora Aunor sa pagtanggap sa proyektong ito. Kay direk Gina Alajar for guiding me and always supporting me pagdating sa improvement ng aking craft. And kay direk Adolf Alix for bringing everyone together for this film. Kung wala sila, wala ako rito ngayon.”
Ang kanyang ikatlong best actor award na natanggap mula sa suspense drama, PIETA ay nagpapakita ng positibong momentum ng kanyang pelikula at ang pagpasok niya sa eksklusibong listahan ng “3-peat-in-one-movie-best-actors” gaya nina Piolo Pascual, Christopher de Leon, Allen Dizon, at Coco Martin.
Ang awards night ay inorganisa ng Global Maharlika sa Kansai, Philippine Community Coordinating Council, Korean Residents Union sa Japan, at Kyomigaru Creative Collective Group, Japan. Layunin ng award-giving body na kilalanin ang kahanga-hangang pagkamalikhain at talento ng Asya. Pinalalawak ng Entertainment Special Awards ang layuning ito, hindi lamang sa paggawa ng pelikula, kundi pati na rin sa nilalaman ng telebisyon at bagong media.
Isinagawa ang awarding ceremony noong Disyembre 1, 2024 sa Sumiyoshi Main Hall, Osaka, ang prestihiyosong City Hall ng Japan.
Sa talumpati ni Alfred, pinasalamatan nito ang kanyang asawa at pamilya sa kanilang taos-puso at napakahalagang suporta. Nasaksihan din ng mga manonood kung gaano binigyang halaga ni Alfred ang anak na si Crisanto nang tawagin niya ito sa entablado para ialay ang pagwawagi.
“Anak (Cristiano), para sa iyo ang award na ito. Pinaghirapan ito ni Daddy. Lagi mong tatandaan na lagi akong nasa tabi mo kahit anong mangyari. Abutin ang iyong mga pangarap. At kung mangangarap ka na rin lang, mangarap ka ng malaki. Don’t forget, balang araw when you’re successful at nasa rurok na ng tagumpay, nasa itaas ka na, huwag mong kalimutan na lalong tumulong sa mga mas nangangailangan, ‘yung mga nasa ibaba huwag mong kalimutan. At saka family is everything, anak,” emosyonal na mensahe ni Alfred sa kanyang anak habang tinatanggap ang award onstage.
Bukod sa kanilang best actor na panalo, nakuha rin ng PIETA ang Best Screenplay Award para sa screenwriter na si Jerry Gracio.
Ang iba pang Asian stars na dumalo sa gabi ng parangal kasama ang napakalaking Filipino, Korean, at Japanese community ay sina Shun Shioya (orihinal na Red Power Ranger), Adone Kudo, Son Yong Kuk, at Kim Ji Soo ng South Korea at iba pang mga sikat na Asian star.