NASAKOTE ang most wanted person (MWP) sa Regional Level sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad nitong Martes ng hapon, 26 Nobyembre, sa lungsod ng Sta. Rosa, lalawigan ng Laguna.
Sa ulat kay Laguna PPO acting provincial director P/Col. Gauvin Mel Unos, kinilala ang nadakip na suspek na isang alyas Louis, residente sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Benson Pimentel, hepe ng Sta. Rosa CCPS, nagkasa ang kanilang mga operatiba ng manhunt operation kamakalawa dakong 2:40 pm sa Brgy. Dila, sa naturang lungsod na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 8353 na may inirekomendang piyansang nagkakahalaga ng P120,000; at dalawang bilang ng kasong paglabag sa RA 11648 na walang inirekomendang piyansa.
Inilabas at nilagdaan ang mga warrant of arrest ni Presiding Judge Gil Jude Franco Sta. Maria, Jr., ng Sta. Rosa, Laguna RTC Branch 102, may petsang 29 Oktubre 2024.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Rosa CCPS ang akusado at agad na ipinaalam sa korteng pinagmulan ng warrant of arrest ang kaniyang pagkakaaresto.
Pahayag ni P/Col. Unos, “Magsilbi sanang babala ito sa mga patuloy na nagtatago sa batas, mas mainam na magboluntaryo kayong sumuko dahil ang komunidad at pulisya ay nagtutulungan sa pagpapatupad ng mga batas at hustisya.” (BOY PALATINO)