MA at PA
ni Rommel Placente
SA guesting ni Yasmien Kurdi sa radio program ni Gorgy Rula, natanong siya tungkol
sa pagsasampa ng kapwa Kapuso star na si Rita Daniela ng acts of lasciviousness laban sa aktor na si Archie Alemania.
Kaya naman natanong si Yasmien, taong 2009 kasi, nang idemanda niya si Baron Geisler ng kaparehong kaso habang ginagawa ang drama anthology na RO Cinemaserye: Suspetsa sa GMA 7.
Naayos sa labas ng korte ang naturang kaso nang mag-public apology si Baron at personal na humingi ng paumanhin kay Yasmien.
Sabi ni Yasmien, “Malungkot ako kapag nakaririnig ako ng mga ganoong balita, kasi hindi siya maganda. Hindi siya maganda for both parties, maraming naaapektuhan na mga tao, masyadong mabigat ‘yung issue.
“Noong pinagdaanan ko ‘yun, I was really young, and I am at work. Habang nasa trabaho pa ako, noong nangyari sa akin.
“Mahirap. Mahirap ‘yung feeling, kasi ang bigat-bigat, pupunta ka lagi ng hearing. Tapos, ‘pag may hindi sumipot, tapos effort ka. Alam mo ‘yung ang daming nangyayari.
“Traumatic talaga siya, para sa akin kapag naaalala ko nga ‘yan, tingnan mo, nanginginig po ako ngayon. Hanggang ngayon, kapag naalala ko siya, nakaka-trauma talaga siya,” aniya pa.
Sa tanong kung ano ang maipapayo niya kay Rita at sa iba pang biktima ng sexual abuse at sexual harassment.
“Hindi ko po kasi masyadong alam ‘yung issue. Hindi po ako masyado updated sa mga showbiz happening.
“Ang dami ko kasi…ngayon lang ako nagpa-interview ulit. Ang masasabi ko, huwag kayong matakot. Speak up! At huwag din nilang patulan kung mayroong mga ganoong jokes, dapat sabihin agad nila na stop. Tama na.
“Huwag ninyong papatulan ‘yung mga ganoong klaseng tao, kasi hindi niyo dapat patulan ‘yung conversation nila na bastos or what.
“Dapat sabihin mo, huwag. Matuto kayong mag-‘no.’ Hindi ‘yung mahihiya kayo dahil senior actor or senior sa inyo. Dapat huwag kayong matakot sa ganoon, isumbong n’yo ‘yan. Sabihan niyo agad ‘yung management about it.”