INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Miyerkoles na pumatay siya ng anim o pitong kriminal noong siya’y alkalde ng Davao City.
Ang pag-amin ng dating pangulo ay naganap sa kanyang pagharap sa House Quad Committee, na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyong libo-libong extrajudicial killings (EJKs) na may kaugnayan sa kontrobersiyal na gera laban sa droga ng kanyang administrasyon.
Tinanong ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas si Duterte kung siya ba ay nakapatay na ng tao.
“Ako? Marami. Mga 6 o 7. Hindi ko na-follow up sa hospital kung natuluyan,” sagot ni Duterte sa komite, kung saan nanumpa na magsasabi siya nang totoo.
Ipinagpatuloy niya ang salaysay kung paano, bilang alkalde, habang siya ay nagpapatrolya sa mga kalye ng Davao City gamit ang kanyang motorsiklo, umaasang makasasalubong ng mga kriminal.
“Nagdasal po ako na magmo-motor ako na may mag-hold-upper diyan. At kung [mahuli] kita, talagang patayin kita. Wala akong pasensiya sa kriminal,” saad ng dating pangulo.
Pinilit ni Brosas si Duterte na magpaliwanag hinggil sa kanyang pananagutan sa mga EJK na konektado sa kanyang kampanya laban sa droga, at hinamong ang responsibilidad sa harap ng mga pamilya ng mga inosenteng biktima na sinabing nadamay sa engkuwentro.
Muli’y ipinahayag ni Duterte ang matagal na niyang, “I and I alone take full legal responsibility sa lahat na nagawa ng mga pulis pursuant to my order. Ako ang managot. At ako ang makulong, huwag ‘yung pulis na sumunod sa order ko.”
Tinanong ni Brosas kung maaari bang muling pagtibayin ni Duterte ang responsibilidad na ito sa harap ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa anti-drug operations. “The families of innocent [EJK] victims are present. ‘Yun po ‘yung pinagsalita n’yo kanina. So can the former President look them in the eyes and say once more that he takes full legal responsibility for the deaths of their loved ones?” deretsahang tanong ni Brosas.
Walang gatol namang tugon ng dating pangulo, “I had to issue or make a policy statement about drugs. At all that happened, ‘yung nangyari pursuant to my order to stop the drug problem in this country, akin ‘yun. Akin na akin ‘yun. Ako ang nagbigay ng order kasi ginawa nila illegal or legal, akin ‘yun. At ito, I take full responsibility for it.”
Muling nagkainitan ng sagutan nang pilitin ni Brosas si Duterte kung ang tinatawag na ‘Davao model’ o ‘Davao style’—ang pamamaraang ginamit niya bilang alkalde — ang nagsilbing batayan para sa pambansang kampanya laban sa droga.
“Dahil polisiya n’yo rin ‘yan, tama ba, sa Davao? Noong nasa Davao pa kayo. Tama ba na tawagin po itong Davao model or Davao style, Mr. Chair? Yes or no lang,” muling tanong ni Brosas, na humihingi ng maliwanag na sagot mula sa dating pangulo.
Tumanggi si Duterte na magbigay ng sagot, at sinabing, “Do not ask me to answer yes or no. You are not an investigator. Yes, but you are not an investigator. Why are you asking me to answer yes or no?”
Dahil dito, pansamantalang sinuspende ng pinuno ng Quad Comm na si Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers at pinaalalahanan ang magkabilang panig na panatilihin ang disiplina.
Sa pagpapatuloy ng interpellation, binanggit ni Brosas ang mga pahayag ni Duterte sa mga business leaders sa Maynila, at tinanong kung hinikayat ba niyang patayin ng mga pulis ang mga suspek na lumaban sa kanilang pag-aresto.
Kinompirma ni Duterte na, “Yes, if they present a violent resistance. That’s the only thing. You can kill the criminal if you are personally in danger of losing your life too.”
Habang pinipilit pa tungkol sa mga kasong may kinalaman sa mga suspek na nakagapos o nakaposas, muling binanggit ni Duterte, “Pag lumaban, patayin.”
Iginiit muli ni Duterte na ang lahat ng aksiyon na naganap sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay kanyang pananagutan.
“Ma’am, if you are the city executive or mayor, lahat ng utos mo na ginawa ng police and all the consequences, sagot ko ‘yan. Pati ang ginawa ng police, sagot ko ‘yan,” giit ng dating Pangulo. (GERRY BALDO)