RATED R
ni Rommel Gonzales
MAY “happy problem” si Kokoy de Santos sa Disyembre.
Pasok kasi ang dalawang pelikulang kasali siya sa 50th Metro Manila Film Festival. Ito ay ang Topakk (ng direktor na si Richard Somes mula sa Nathan Studios nina Sylvia Sanchez) na bida si Arjo Atayde at ang And The Breadwinner Is… (ng The IdeaFirst Company sa direksiyon ni Jun Lana) na bida si Vice Ganda.
Kaya hindi alam ni Kokoy kung saang float siya sasakay sa Parade Of Stars na event na kaakibat ng MMFF.
“Convoy na lang ba?” ang tumatawang reaksiyon ni Kokoy.
Dumalo siya sa announcement ng final 5 MMFF official entries dahil nauna na ang announcement ng pagkakasali ng And The Breadwinner Is… noong July, kaya nagulat siya na pasok naman sa final 5 ang Topakk.
“Hindi ko alam. Pero siyempre, nagulat din nga ako na nandito ‘yung ‘Topakk.’ Pumunta ako rito para sa ‘Breadwinner’ talaga… tapos nagulat ako na nandito rin [ang Topakk] kaya parang… kinilig ako,” bulalas ni Kokoy.
“Actually, na-surprise talaga ako kasi hindi ko ini-expect na mapapasama pala ang ‘Topakk.’”
Sa announcement ng final 5 ng MMFF entries ay nakita namin na niyakap ni Sylvia si Kokoy dahil sa labis na katuwaan ng aktres na pasok ang kanilang pelikulang Topakk sa festival sa Pasko.
Isa sa busiest male stars ngayon si Kokoy dahil ongoing din ang taping niya para sa upcoming GMAseries na Mga Batang Riles at nariyan din ang BBL Gang.
Masaya si Kokoy dahil nakatrabaho niya sa mga filmfest entries sina Vice Ganda at Arjo, at ang mga direktor na sina Jun at Richard.
“Alam mo ‘yun, para sa akin, isa sa laging hinahanap ko sa work ko ‘yung experience lagi. Iba ‘yung feeling na iba ‘yung role na inaasa sa akin.
“Ang daming learnings palagi. So, nakatutuwa, nakaka-happy ng puso,” bulalas ni Kokoy.