NAKUHA ng FPJ Panday Bayanihan party-list ang isang prominenteng posisyon sa 2025 midterm election ballot nang makamtan ang numero tres (3) spot matapos isagawa ng Commission on Elections (Comelec) ang raffle para sa numerical arrangement ng 156 magkakatunggaling party-list groups.
Ang pagkakalagay na ito ay sumasalamin sa isang makabuluhang sandali sa kasaysayang elektoral sa Filipinas.
Si Fernando Poe Jr., kilala bilang “Da King” ay pumangatlo rin sa opisyal na listahan ng balota sa limang kandidato sa pagkapangulo noong 2004 national elections.
Pinangasiwaan ng Comelec en banc ang raffle, na ginanap sa Palacio del Gobernador sa Maynila noong Biyernes.
Ang mga miyembro at tagasuporta ng FPJ party-list ay malugod na tinanggap ang ikatlong puwesto ng grupo, na madaling makita sa balota.
Ikinalugod ni Brian Poe Lamanzares, unang nominado ng FPJ party-list, ang magandang pagkahanay ng partido sa balota.
Aniya, “Nagpapasalamat ako sa biyayang ito. Sigurado akong may kinalaman ang lolo ko (Fernando Poe Jr). Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa akin! Magsisikap tayo at magdasal na maisulong ang mga prinsipyo ni Da King sa Kongreso.”
Ang paglalagay na ito ay nagpapahiwatig ng pangako ng partido sa pagtataguyod ng mga prinsipyo ng “Da King” sa mga bulwagan ng Kongreso at ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa sambayanang Filipino.