ni GERRY BALDO
NANINIWALA si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante, Jr., na ikakanta ni dating National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo ang kanyang nalalaman sa isinasagawang imbestigasyon ng House quad committee sa extrajudicial killings (EJKs) kaugnay ng madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Abante, co-chair ng House Quad Committee, isasalang nila si Leonardo kapag nagsumite ng kanyang sinumpaang salaysay kaugnay ng kanyang nalalaman sa EJK.
“Until such time that Col. Leonardo would submit to us an affidavit, doon namin siya isasalang,” ani Abante sa isang press conference sa Kamara de Representantes.
Sinabi ni Abante, magiging malakas din ang testimonya ni Leonardo gaya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na nagkompirmang mayroong reward system para sa mga pulis na nakapapatay ng mga drug suspect.
“Sa aking palagay, personally, meron,” ayon kay Abante na nagsabi na maaaring magkaroon na ng sinumpaang salaysay si Leonardo sa pagdinig ng komite sa 22 Oktubre.
Umaasa si Abante na ilalahad ni Leonardo ang lahat upang mas maging malinaw ang mga detalye ng kontrobersiyal na war on drugs ni Duterte na nagresulta sa pagkamatay ng libo-libong katao.
Nauna rito, sinabi ni Garma na si Leonardo ang inirekomenda niya kay Duterte na mamuno sa pagpapatupad ng Davao model war on drugs sa buong bansa. Si Leonardo ay dating nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 11.
Sinabi ni Garma, ang mga pulis na nakapapatay ng drug suspect ay binibigyan ng reward na galing sa staff ng noon ay Special Assistant to the President, at ngayon ay Sen. Christopher “Bong” Go.
Sinasabing mas malalim ang mga impormasyong hawak ni Leonardo kaugnay ng operasyon at mga polisiya sa kontrobersiyal na war on drugs.
Ang Quad Committee ay binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.