TINATAYANG 300 pamilya ang nawalan ng tahanan nang lamunin ng apoy ang mga kabahayan sa isang residential area sa Barangay 775, Sta. Ana, Maynila kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na nanalasa ang apoy mula sa Onyx St., hanggang Radium St., pasado 6:00 ng umaga.
Mabilis na umabot sa ika-apat na alarma ang sunog dakong 6:48 am, kaya nagdagdag ang BFP ng firetrucks upang maapula ang apoy.
Idinaing ng BFP ang makikitid na daanan kaya nahirapang makapasok sa lugar ang mga bombero.
Nakipagtulungan ang mga residente na maapula ang apoy at kanya-kanyang bitbit ng timbang may lamang tubig para isaboy.
Umabot sa 70 firetrucks ang nagresponde sa alarma.
Idineklarang kontrolado ang sunog dakong 8:00 am. Sinabi ng mga imbestigador na posibleng napabayaang kandila ang pinagmulan ng apoy.
Tinatayang 100 kabahayan ang nadale ng sunog, ayon sa BFP. (HNT)