ni GERRY BALDO
IDINAWIT ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma ang isang staff ni Sen. Christopher “Bong” Go na sinabi niyang pinanggagalingan ng pera na ibinibigay bilang reward sa mga pulis na nakapapatay ng drug suspect/s nang ipatupad ang ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa sinumpaang salaysay ni Garma, na kanyang binasa sa pagdinig ng House Quad Committee noong Biyernes, nabanggit nito ang isang Muking o Moking na tumawag sa kanya upang hingin ang numero ni noon ay Police Col. Edilberto Leonardo, ang kinuha upang pangunahan ang pagpapatupad ng kampanya laban sa illegal na droga.
Ayon kay Garma, si Muking ay si Irmina Espino na naging tauhan ni Go sa Davao City Hall noong si Duterte ang alkalde ng lungsod. Nagtrabaho rin bilang assistant secretary nang si Go ay maging Special Assistant to the President noong nasa Malacañang na si Duterte.
Isiniwalat ni Garma, nakatatanggap ng reward ang mga pulis na nakapapatay ng drug suspects at nababawi ng mga pulis ang kanilang gastos sa operasyon kapag nakapagsampa ng kaso sa korte laban sa mga drug suspect.
Ikinuwento ni Garma na kinausap siya ni Duterte noong 2016 upang maghanap ng pulis na mangunguna sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at si Leonardo, na kanyang upperclassmen sa PNP Academy ang kanyang ibinigay na pangalan.
“On the same day, a certain individual named ‘Muking’ contacted me by phone to request Leonardo’s contact details, which I promptly provided,” sabi ni Garma.
Sa pag-usisa ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez kinompirma ni Garma na si Muking ay si Espino.
Nagmosyon si Fernandez na ipatawag ng komite si Muking na inaprobahan ng overall chairman ng Quad Committee na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
“Comsec (Committee Secretariat), please coordinate with the PMS (Presidential Management Staff) and invite the name Muking,” atas ni Barbers.
Ayon kay Garma, si Espino ang nagpapadala ng pera kay Peter Parungo, isang non-PNP personnel na siyang namamahala sa pondo na ibinibigay na reward sa mga pulis at pambayad sa kanilang mga gastusin sa operasyon.
Kuwento ni Garma, minsan ay nakita niyang nagkakamot ng ulo si Parungo at nang kanyang usisain ay dahil may pangamba ito na siya ay masita ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
“Naku ma’am baka ma-AMLC na ako kasi every week malalaking amount pumapasok,” sabi ni Parungo kay Garma.
“That’s where I learned na siya (Parungo) pala ang pinupuntahan ng pera (na nanggagaling kay Espino),” dagdag ni Garma.
Si Parungo ay mayroon umanong account sa Metrobank, BDO, at PS Bank.
Binigyan-diin ni Barbers ang kahalagahan na sundan ang money trail at inatasan na ang komite na makipag-ugnayan sa AMLC para matukoy ang pinuntahan at pinaggamitan ng naturang mga pondo.
“Kung ipahahanap natin sa AMLA ang financial transaction sa tatlong banko na binabanggit, malaki ang pera roon,” ani Barbers.
Ang Quad Committee ay nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng kaugnayan ng ilegal na Philippine offshore and gaming operators (POGO), sa kalakalan ng ilegal na droga, at extrajudicial killings nang ipatupad ang gera kontra ilegal na droga ni Duterte.