MA at PA
ni Rommel Placente
IPINAGTANGGOL ni Chloe San Jose ang sarili sa akusasyon ng kanyang bashers, na umano’y pagiging bad influence sa kanyang boyfriend na si Carlos Yulo.
Siya raw kasi ang pumipigil at humaharang sa 2-time Olympic gold medalist ng Pilipinas para makipagkita at makipag-ayos sa pamilya nito na ayon sa kanya, ay walang katotohanan.
Mariing sinabi ni Chloe na may sariling isip at disposisyon sa buhay si Caloy at ang mga desisyon ng binata sa ilang hinaharap na kontrobersiya ay hindi galing sa kanya.
“Alam ko naman po ‘yung decisions po ni Caloy, sa kanya naman po nanggagaling, eh. Never ko naman po siyang sinabihang ‘Gawin mo ‘to, gawin mo ‘yan,” sabi ni Chloe sa interview sa kanya ni Toni Gonzaga para sa vlog nito.
Pagtatanggol pa niya sa sarili, “Lahat naman po ng nangyayari sa buhay ni Caloy, it’s all him. Even ‘yung nag-Olympics siya, ‘yung na-achieve niya, it’s all him.”
At sa mga tumatawag sa kanya ng famewhore, ang sagot ni Chloe, “Para kasi sa akin, nakapag-build na rin ako ng name ko way back pa, before ko pa makilala si Caloy.
“Nagmu-music ako, nagko-content creation ako. Nagkataon lang nga po na si Caloy is national athlete tapos palagi kaming magkasama.
“Kaya nasasabihan ako na gusto ko ‘yung life ni Caloy which is mapunta rin sa akin. Not naman po, naroon lang ako to support him,” paliwanag ng dalaga.