Sunday , December 22 2024
Bong Revilla Jr Lani Mercado Inah Revilla

Bong naghain na ng COC, sinamahan ng anak na abogada

TIYAK na ang muling pagkandidato ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. para sa 2025 midterm elections matapos magsumite ng Certificate of Candidacy (COC) kahapon (Oktubre 7) sa Manila Hotel kasama ang buong pamilya at anak na abogado, si Inah Revilla. 

Tatakbo muli si Bong sa ilalim ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD). Kaanib na ang senador ng LAKAS -CMD simula pa noong siya ay unang pumalaot sa politika tatlong dekada na ang nakararaan. 

“Ngayong araw, pormal na nating sinelyuhan ang ating kandidatura sa pagka-senador sa darating na eleksiyon 2025. Ang iyong lingkod, si Senador Bong Revilla, na sa loob ng tatlong termino bilang mambabatas sa Senado ay pinagkatiwalaan ng sambayanan, ay muling lalaban at titindig para patuloy na maging tagapagsulong ng kapakanan ng bawat isang ordinaryong Filipino,” anang beteranong mambabatas.

Si Revilla ay bahagi ng  Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senate Slate ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na binubuo ng 12 senatorial candidates mula sa iba’t ibang major political parties sa bansa kabilang na ang Lakas-CMD.

“Nagpapasalamat ako sa ating Pangulong Bongbong Marcos at kay Lakas-CMD President Speaker Martin Romualdez sa tiwala na ipinagkaloob nila sa akin para maging isa sa mga kandidato na ilalaban ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. It’s an honor to run under this slate whose great aspiration is to stand up for the welfare, interests, and rights of every Filipino,” dagdag pa ni Bong.

Si Revilla na nagsilbi ng tatlong termino sa Senado (2004-2010; 2010-2016; 2019-present), ang instrumento sa pagpasa ng maraming landmark laws na direktang nagbibigay benepisyo sa maraming Filipino hanggang sa kasalukuyan. Kabilang dito ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), Expanded Coverage of Centenarians Act (RA 11982), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examinations Act” (RA 12006), Granting Night Shift Differential Pay to Government Employees (RA 11701), and “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909). Siya rin ang ang may-akda ng batas upang maging lehitimo ang mga batang isinilang sa labas ng pagsasama ng legal na mag-asawa at ang motorcycle helmet act, at napakarami pang iba.

Ang actor/senador din ay nakapagtala ng perfect attendance sa Senado at nakapag-sumite ng kabuuang 1,979 bills and resolutions, na 339 sa mga ito ay umiiral nang batas.

“Sa ating halos dalawang dekadang paninilbihan bilang senador, marami na po tayong naipasang mga batas na talagang pinakikinabangan ng ating mga kababayan. Hindi po natin sinayang ang tiwala ng sambayanang Filipino. Sinigurado ko na bawat sentimo na ipinapasahod sa akin gamit ang buwis ng taumbayan, naibalik natin sa kanila sa pamamagitan ng pagsusulong at pakikibaka sa pagpasa ng mga makabuluhang batas,” sabi pa ni Revilla.

Ukol naman sa pagtutuunan ni Bong sa ika-apat na termino niya sa Senado, sinabi nitong ipagpapatuloy niya ang pagsulong sa social justice, kapakanan ng mga manggagawa, seguridad sa pagkain, public infrastructure, at karagdagang benepiyo pa para sa mga government employee. 

“I am happy to say that because of the people’s trust, I was able to deliver my pact with the people. Ngayon, muli kong iniaalok ang aking kakayahan sa ating mga kababayan para patuloy silang paglingkuran,” ani Revilla.

“While we have accomplished so much, work never ceases and there is still much to be done. Kagaya ng pagtugon sa pagtaas ng presyo ng bilihin, paghahatid ng pagkain sa bawat hapag, mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda, pagbibigay solusyon sa baha, pagbubuo ng makabagong Philippine Building Code, pagsasaayos ng retirement system sa hudikatura, dagdag benepisyo para sa barangay workers, nurses, guro, at iba pa. Ayan ang ating mga isusulong kung tayo ay muling mabibigyan ng pagkakataon para makapaglingkod para sa ating ikaapat na termino,” paliwanag pa ni Revilla.

Ang paparating na midterm elections ay nakatakda sa Mayo 12, 2025 na 12 senador ang kailangang ihalal.

About Maricris Valdez Nicasio

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …