Thursday , October 3 2024
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Mapayapang eleksyon, target ni PRO3 RD PBG Maranan

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

UMUPO na bilang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 3 si Police Brig. Gen. Redrico Atienza Maranan nitong Martes, 1 Oktubre 2024. Epektibo ang kautusan para sa kanyang promosyon, 30 Setyembre 2024.

Mula District Director ng Quezon City Police District (QCPD) binigyan ng mas malaking responsibilidad si Maranan — iniatang sa Heneral ang mas malaking responsibilidad at mas malawak na lugar dahil naniniwala sina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., at PNP Chief, Gen. Rommel Marbil sa kakayahan ni Maranan base sa track record ng opisyal kaugnay sa mga accomplishment nito.

Isa sa pinakahuling patunay ay nagawa niyang pababain  ang crime rate sa Quezon City at napanatili ang peace at order sa lungsod.

Sa pagbaba ng krimen sa Kyusi bunga ng mahigpit na kampanya laban sa kriminalidad lalo ang pagsugpo sa ilegal na droga,  malaki ang naitulong nito sa negosyo sa lungsod.

Lumakas ang loob ng mga investors, lokal at dayuhan, na magnegosyo sa lungsod dahil dama nila ang katiyakan ng  kanilang kaligtasan.

Higit sa lahat, naging tiyak din ang seguridad ng mamamayan ng lungsod.

Katunayan, maging si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay malaki ang pagpapasalamat sa naiambag ni Maranan sa lungsod para sa peace and order ng lungsod.

“Masasabi ko na si Gen. Maranan ang pinakamagaling sa lahat ng district director sa ilalim ng aking pagiging mayor ng QC,” ito naman ang bahagi ng talumpati ni Mayor Joy sa isinagawang turnover ceremony sa QCPD nitong Martes, nang isalin ni Maranan ang liderato ng pulisya kay Acting QCPD District Director Police Col. Melecio Buslig.

Sa pagsasalin ng liderato sa Police Regional Office 3 kay Maranan ni Police Brig. Gen. Jose Hidalgo, Jr., na maagang nagretiro dahil tatakbong alkalde sa isang bayan sa Nueva Ecija, ipinunto ni Maranan na isa sa dapat iprayoridad niya ay ang mapayapang halalan 2025 sa Region 3 o sa sentrong rehiyon sa Luzon.

Naniniwala si Maranan na makakamit ang maayos na halalan at mapayapang rehiyon sa pagpapababa ng krimen kahit saang sulok ng pitong probinsiya sa ilalim ng Region 3.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapaigting sa kampanya laban sa kriminalidad at gera laban sa ilegal na droga na isa sa ugat ng karahasan.

Anang bagong lider ng pulisya sa rehiyon, mapabababa ang krimen sa pag-uumpisa ng pagpapaigting sa kampanya laban sa loose firearms; pagdakip sa mga most wanted persons; mabilis na pagresponde sa mga nagaganap na krimen kasunod ng pagresolba, at iba pang programa ng PNP para sa ligtas na mamamayan.

Kaugnay naman sa mga sinasabing “hot spot” na mga lugar sa halalan, target ng opisyal na gawin itong hot spot-free; hahabulin din ang mga private arm groups bilang pagsunod sa marching order ng PNP Chief.

Kasabay nito, binalaan ni Maranan ang mga grupo na planong maghasik ng kaharasan sa rehiyon na hahabulin sila at ipakikita na wala silang lugar sa Central Luzon.

At sa mga makalulusot sa paghahasik ng karahasan, hindi titigil ang pulisya sa paghabol sa kanila hanggang hindi sila naiseselda at nasasampahan ng kaso.

Ilan lamang ito sa mga plano ni Maranan. Kung nagawa niyang mapababa ang krimen sa Kyusi, walang dahilan para hindi niya magawa ito sa Central Luzon sa tulong ng bumubuo ng PRO3.

Marahil ang komento ng iba, malawak ang Central Luzon kompara sa Quezon City kaya malabo ang plano ni Maranan.

Well, oo malaki nga ang Region 3 pero, hindi nakukuha ito sa lawak ng responsibilidad kung hindi sa dedikasyon sa paglilingkod sa bayan — na naging puhunan ni Maranan sa QC at sa iba pang ipinagkatiwalang trabaho sa kanya.

About Almar Danguilan

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Delusional, kung ‘di man desperada

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. DELUSIONAL na marahil ang ating Bise Presidente, si Inday …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Suwerteng QCitizens, bibilhan ng condo ni Mayor Joy B.

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAPAKASUWERTE talaga ng QCitizens sa pagkakaron ng isang Alkalde na ang …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Talento mo sa paggawa ng parol, isali sa “Kumukutitap 4” ng QC

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW ba ay isa sa daang libong QCitizens na may itinatagong …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Paglalantad sa backdoor

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MATAPOS mapanood ang privilege speech ni Senator Raffy Tulfo …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Serbisyo ng LTO, hanggang Sabado na

AKSYON AGADni Almar Danguilan PASO na ba ang inyong lisensiya sa pagmamaneho at hindi makapag-renew …