SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MATAGAL nang gustong gumawa ng action ni Carlo Aquino kaya naman nang i-offer sa kanya ang Crosspoint, na-excite siya. Bukod sa dream come true project, sa Japan pa gagawin.
“Sino ba naman ang tatanggi? Sa Japan ang shoot tapos action pa,” anito sa Spotlight presscon na isinagawa kahapon sa Coffee Project, Will Tower, QC.
Fan pala kasi ng action si Carlo tulad ng paborito niyang Bourne.
“Hindi pa kasi ako nakagagawa ng ganitong klaseng action. Usually family drama, romcom, kaya noong sinabi na medyo suspense ‘itong movie na na action, family drama, pwede,” nakangiting wika ni Carlo.
Sinabi pa ni Carlo na gustong-gusto niyang gumawa ng Bourne series.
“Nandodoon pa rin ‘yung genre ko, medyo iniba lang natin gustong-gusto ko dati gumawa ng ‘Bourne’ series,” aniya.
Ginagampanan ni Carlo sa Crosspoint ang karakter ni Manuel Hidalgo, isang washed up actor na dahil matumal ang dating ng project napilitang magtungo ng Japan para mag-omise at mag-‘side hustle.’
“He stumbled upon sa isang news na parang may isang serial killer tapos nakilala niya si Takehiro, pareho silang financially unstable, eh may pabuya, so hinuli nila ‘yun,” kuwento ni Carlo.
Kasama ni Carlo sa pelikula si Takehiro Hira at mapapanood ang Crosspoint sa October 16 sa mga sinehan nationwide.