Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SA GILID ng gusali ng Pasay City Public Market, matatagpuan sa Kabayan St., ilang metro lang ang layo sa barangay hall, may isang terminal ng traysikel na sinabing ang lider ng TODA ay isang alyas Kenneth.
‘Pag sinabing terminal, ito ay sakayan ng mga namimili sa loob ng palengke, pagsakay mo ay aandar na dapat ang traysikel pero hindi ganoon ang sistema sa binabanggit nating terminal.
Ito ay tambayan ng mga traysikel driver sa kanilang mga ‘suking pasahero’ na kinontrata nang mas mataas sa regular na bayad, at habang namimili pa ang kinontratang pasahero, hindi magsasakay ng ibang pasahero, bakit ganoon? Ano pa at tinawag na terminal ‘yan kung may mga kakontrata nang suking pasahero? Paano ‘yung maraming pinamili na walang kontrata?
Ang daming nagkalat na traysikel sa Taft Ave., na pagsakay mo andar agad ang drayber. ‘Yun nga lang nakaaabala ng trapiko.
Kung ang sistema ng terminal ni Kenneth ay palpak, alisin na ang mga miyembro nito na nagpapahirap sa mga mamimili. Kung may kausap na suking kinontrata, dapat umalis d’yan sa pula na ginagawang tambayan.
Ano pa at tinawag na terminal, daming pasahero ang ‘di nakasasakay at bitbit ang mabigat na pinamili na naglalakad hanggang Taft Ave., para makasakay lang at makauwi sa kanilang bahay.
Normal na kalakaran na ang bawat drayber ay nagbibigay ng ‘butaw’ pero dapat isipin na kaya naglagay ng terminal d’yan sa Kabayan St., ay para maalwan ang mga mamimili.
Sino man ang Kenneth na namumuno o lider ng TODA riyan, dapat mong disiplinahin ang mga miyembro mo. Dagdagan n’yo ang miyembro n’yo. ‘Yung mga mahilig sa may suki at mga kontratista, umalis dapat diyan sa loob ng terminal at nakapila pa.
Tigilan ang bulok na sistema!
Isa na yata ang lungsod ng Pasay sa pinakamaraming paradahan ng traysikel gayong napakaliit na siyudad, walang dress code. Naaamoy mo mga putok ng kili-kili habang tumatakbo ang traysikel. Mahal na nga ang pasahe, sasakit pa ang ulo ng pasahero.
Pumunta ka sa lungsod ng Parañaque, Quezon City at Las Piñas, may sistema lahat, disiplinado. Sa Pasay City, bulok na traysikel, amoy anghit pa! Magalit na kung magalit sa akin. Masama ba magsabi ng totoo? Kailan natin itatama ang mali?
Napakarami ko nang natanggap na reklamo sa terminal d’yan sa Kabayan St., alang-alang kay Mr. Ace Sevilla, bulag at bingi ako. Pero mas papaboran ko ngayon ang mga nagrereklamo dahil maging ako ay biktima rin at napatunayan ko na totoo pala ang sumbong.