Camp BGen Paciano Rizal – Arestado ang apat na indibiduwal sa ikinasang buybust operation ng Cabuyao PNP kahapon, 11 Setyembre 2024.
Kinilala ni P/Col. Gauvin Mel Y. Unos, Acting Provincial Director, Laguna Police Provincial Office, ang mga suspek na sina alyas Cas, Ador, Ben, at alyas Mel, pawang mga residente sa Cabuyao City, Laguna.
Sa ulat ni P/Lt. Col. John Eric B. Antonio, hepe ng Cabuyao Component City Police Station, nagkasa ang kanilang mga operatiba ng buybust operation dakong 12:56 am, kahapon 11 Setyembre 2024 sa Brgy. Banlic, Cabuyao City, Laguna.
Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mga nasabing suspek na sinabing magkakasabwat sa pagbebenta ng hinihinalang shabu sa poseur buyer kapalit ang buybust money.
Nabatid na nakompiska sa mga suspek ang 18 pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na aabot sa tatlong gramo, tinatayang may halagang aabot sa P20,400, isang pirasong P500 bill buybust money at dalawang coin purse.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng Cabuyao CCPS ang mga arestadong suspek. Habang ang mga nakompiskang ebidensiya ay isusumite sa Forensic Unit para isailalim sa forensic examination.
Inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa mga isasampang kaso laban sa mga suspek na paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa mensahe ni Laguna PPO Acting Provincial Director PPO, P/Col. Unos, “Ang pagkakadakip sa mga suspek ay bunga ng mas pinaigting na operasyon ng Laguna PNP laban sa ipinagbabawal na gamot.” (BOY PALATINO)