PINAYAGAN ng korte sa Tarlac ang nasibak na alkalde ng Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na dumalo sa gaganaping pagdinig sa Senado sa darating na Lunes kaugnay ng mga ilegal na aktibidad na ikinakawing sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), sinabing ‘isang pagbabalik’ para harapin ang mga senador, dalawang buwan matapos ‘takasan’ ang ginaganap na imbestigasyon at pagsibat palabas ng bansa.
Inisyu ng Tarlac Regional Trial Court (RTC) ang arrest warrant laban kay Guo sa dalawang kaso ng graft nitong Huwebes, 5 Setyembre, ang araw na ipinagbigay alam ng Indonesian police sa Filipinas na nadakip na nila ang tinaguriang ‘pugante’ ng Senado.
Iginiya ng mga opisyal ng pulisya ang sinibak na alkalde paakyat upang iharap nitong Biyernes, 6 Setyembre, Tarlac Regional Trial Court Branch 109 sa Capas na nagpalabas ng nasabing arrest warrant laban sa kanya sa mga kasong graft.
Nang maibalik si Guo sa Maynila nitong Biyernes, 6 Setyembre, sumulat si Sen. Risa Hontiveros, namumuno sa imbestigasyon ng Senado sa POGO, kay Presiding Judge Sarah Bacolod Vedaña-Delos Santos ng Tarlac RTC Branch 109 upang hilingin ang pagharap ng sinibak na alkalde sa pagdinig.
Ginawa rin ng senador ang parehong kahilingan sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, na pinaglagakan kay Guo sa utos ng Tarlac court.
“Given the critical importance of the on-going inquiry in aid of legislation, the Court grants the Senator’s request,” pahayag ng judge sa kanyang isang-pahinang order, sa kaalaman ng PNP, ng Office of the Ombudsman, at ng mga abogado ni Guo.
Ang kaso laban kay Guo ay nagmula sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman noong 18 Mayo 2024 dahil sa kanyang hinihinalang pagkakasangkot sa ilegal na POGO hub sa kanyang bayan.