Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
NOONG nabubuhay pa ang yumaong Vergel “Nene” Aguilar, tahimik ang lokal na halalan. Pero tila nagkaroon ng pagbabago dahil usap-usapan na sa siyudad ng Las Piñas, si Sen. Cynthia Villar ay tatakbo sa kongreso at ang manok niya para sa pagka-alkalde ay ang pamangkin na si Carlo Aguilar, dating konsehal ng lungsod.
Sa panig naman ni incumbent Mayor Imelda Aguilar, papalitan siya ng kanyang anak na si April Aguilar-Neri bilang alkalde at siya ay magiging bise alkalde. In short, magpinsang April at Carlo ang maglalaban for mayor ng lungsod.
Noon, usapan na ng taongbayan na wala nang tatalo sa mga Aguilar sa Las Piñas City. Ngayong parehong Aguilar ang maglalaban ganoon din, sa Aguilar pa rin kung sino man ang mahalal kina Carlo at April. Sa vice-mayor naman, maglalaban sina Louie Bustamante at Mayora Imelda Aguilar.
Ang tanong, masungkit pa kaya ng mag-inang April at Imelda ang mga posisyon na gusto nila? Naririyan pa rin ba ang karisma ng yumaong Nene Aguilar sa tao na ibinigay ang kanilang mga boto sa misis at anak ni Mayor Nene?
Sa kongreso naman, matibay ang dibdib nitong si Councilor Mark Santos na banggain para labanan si Senator CV dahil alam naman natin na dambuhalang negosyante si senadora.
Si Santos ay naging topnotcher Councilor sa District 1 ng Las Piñas City. Sabi nga ng mga botante, tatanggapin namin ang ibinigay na tulong nina Senadora at Santos pero ‘di nangangahulugan na ibinenta na ang kanilang boto.
Anila, ang may tunay na serbisyo at paglilingkod ang kailangan nila, hindi iyong gamitin ang posisyon para makaligtas lamang sa tamang bayarin ng mga negosyo sa real property tax.
Bagama’t patungkol kay senadora ang tinuran ng isang source, in fairness sa Senadora nagbayad siya ng P150 milyon sa P250-M na napabalitang pagkakautang sa Real Property Tax. Pero kinuwestiyon ito ng senadora dahil mali umano ang kuwenta ng Assessor’s Office ng lungsod at kanyang ipinarerebisa.
Nagkaroon ng kuwestiyon ang bayan sakaling mahalal ang manok nitong si Carlo Aguilar, kompleto kaya ang bayad sa RPT ng senadora?
‘Yan ang abangan natin mga taga-Las Piñas!