Sunday , March 15 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph

Sino ba ang dapat managot?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

NANG ibunyag ni Senator Risa Hontiveros na nakalabas na sa bansa si dismissed Bamban Mayor Alice Guo, nagulantang ang pamahalaan partikular ang Bureau of Immigration (BI).

Nandoon iyong mga katanungan na paano nakalabas sa bansa si Guo? Sino ang mga tumulong sa kanya? Paano nakalusot sa mga paliparan kung walang kasabwat?

Nariyan din ang mga pagdududa na tiyak may kumita nang malaki para makalabas o makatakas sa bansa si Guo.

Ang lahat ng pagdududa ay ipinuntirya sa BI.

Kawawang BI, kung nakamamatay lang ang masasakit na salitang ipinupukol sa ahensiya, malamang na wala nang naturang opisyal at kawani sa ahensiya.

Nand’yan din iyong isasalang daw sa katakot-takot na imbestigasyon ang BI.

Kamakalawa, nabunutan ng tinik ang BI partikular ang mga bossing matapos ilahad ng naarestong si Sheila Guo, kasama ni Alice na tumakas sa bansa na hindi sila dumaan sa paliparan sa kanilang pagtakas.

Sa halip, inamin ni Sheila na sa ‘back door’ sila dumaan — sumakay muna ng van, tapos sa maliit na bangka, tapos lipat na naman daw sa malaking bangka, hanggang makarating sila sa Malaysia.

Kaya, malaking porsiyento na absuwelto na ang BI o walang pananagutan.

Marahil abot-tenga na ang ngiti ng mga taga-BI ngayon.

Kung absuwelto ang BI, e sino ang mga dapat na managot sa pagtakas nina Alice, at sinasabing kapatid niyang si Sheila at isa pa.

Sinasabing sa dagat sila dumaan at bago naglayag, siyempre, sa lupa muna sila. Paano ito nakalusot sa puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa kabila ng iniyayabang ng pulisya na nakaalerto sila sa pagbabantay upang hindi makalabas ng bansa si Guo.

Nandiyan ang mga inilatag na checkpoint sa mga posibleng daanan ng dating mayora pero lumalabas na ang mga checkpoint ay pampapogi lang.

Walang silbi ang mga checkpoint dahil nagawa itong lusutan ng tropa ni Alice. Hindi kaya may kumita sa dinaang checkpoint ng tropa ni Alice? Ops, nagtatanong lang tayo ha at hindi nag-aakusa.

Akalain ninyo, base sa salaysay ni Sheila, limang oras silang bumiyahe makaraang sunduin sila ng van sa farm sa Tarlac bago makarating sa isang pantalan.

Sa haba ng limang oras na biyahe, kung totoong nakaalerto ang PNP laban kay Alice, parang napakaimposible na walang dinaanang checkpoint ang van e samantala kabi-kabila ang inilatag na checkpoint ng PNP.

Sa pagtakas, ‘di ba batay din sa testimonya ni Sheila sa Senado ay dumaan sila sa karagatan hanggang umaabot sa isla ng Malaysia?

Nasaan din ang mga bantay dagat natin? Nasaan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga oras na iyon habang tinatawid ng maliit at malaking bangka ang karagatan ng Filipinas papuntang Malaysia?

Akala ko ba’y nakaalerto ang lahat para hindi makatakas si dismissed Mayor Guo? Dapat talaga na may managot! Pero ang tanong, nagsasabi kaya ng katotohanan sa paraan ng kanilang pagtakas si Sheila?

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Almar Danguilan

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Inter-parliamentary courtesy o pag-iwas sa imbestigasyon?

AKSYON AGADni Almar Danguilan ISANG mabigat na paratang ang ibinato ni Senator Rodante Marcoleta na …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Walang Gawain na nakatali sa kasarian
Mga babae, binabasag mga hadlang sa kasanayan sa konstruksyon

PADAYONni Teddy Brul SA PAGDIRIWANG ng National Women’s Month, isinusulong ng Association of Women Workers …

Firing Line Robert Roque

Mga kababaihan sa likod ng mga dinastiyang pampolitika

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. KAPAG iniisip ng mga Filipino ang mga dinastiyang pampolitika, …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Ano ang tunay na layunin ng ‘Maleta soldiers’ exposé?

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI  itinuturing na aksidente ang paglitaw ng 18 kataong nagpakilalang ex-Marines …

Aksyon Agad Almar Danguilan

May mga tanong sa kredibilidad at identidad ng 18 ex-Marines

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA KASALUKUYANG pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa kasong kinakaharap …