KINOMPIRMA ng isang opisyal ng pulisya na maraming paglabag sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng madugong war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni P/Col. Jovie Espenido, isa sa mga kinilala ni dating Pangulong Duterte dahil sa kanyang mga nagawa laban sa ilegal na droga, inabuso ng mga taong malapit sa dating Pangulo at kanyang mga kasamahan sa Philippine National Police (PNP) ang ‘tokhang’ upang kumita.
Bagamat mayroong mga napatay na drug lord, sinabi ni Espenido na karamihan sa mga pinaslang ay mga ordinaryong user at pusher.
“Para sa akin, mga biktima sila, gusto ko sana silang bigyan ng second chance,” sabi ni Espenido.
Nang maitalaga sa Leyte, Ozamiz City, at Bacolod City, sinabi ni Espenido na sinabihan niya ang kanyang mga tauhan na ang bigtime pusher, supplier, at drug lord ang habulin, at hindi ang maliliit na user at pusher na tinawag nitong ‘victims’.
Aniya, dumami ang paglabag sa karapatang pantao dahil sa “quota and reward system” na binibigyan ng reward ang mga pulis na nakapapatay ng mga drug suspects.
Sinabing ang quota ng liderato ng PNP ay 50 hanggang 100 kada araw at ang bahay ng user at pusher ay katukin.
“My mission was for the drug suspects to surrender to be rehabilitated. Nobody died during my stints in Albuera (Leyte) and Bacolod,” sabi ni Espenido.
Sinabi rin ng opisyal na P20,000 ang reward sa bawat mapapatay.
“The funding came from operators of small-town lottery or jueteng lords who give money to the police regional commanders, provincial commanders, down the line,” anito.
Sinabi ni Espenido na ang kanyang estasyon ay tumatanggap lamang ng reward mula sa lokal na pamahalaan at ang pera ay kanilang ginagamit para pondohan ang kanilang operasyon.
Nang italaga sa Ozamiz City, sinabihan umano siya ng noon ay PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald dela Rosa na huwag galawin ang isang mayor na siyang small town lottery operator at pinaniniwalaan din na isang drug lord.
Ang intelligence funds at pera mula sa Philippine Offshore Gambling Operations (POGOs) ay ginagamit umano upang pondohan ang reward system.
“After these POGOs were able to register with the government, funding was funneled downward from the level of Bong Go,” sabi ni Espenido.
Halos 30,000 drug suspects ang pinaniniwalaang napatay sa anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon. (GERRY BALDO)