TULOY na tuloy na ang reelection nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice-Mayor Yul Servo sa darating na May 2025 polls.
Ito ang pormal na ipinahayag ng dalawang pinakamataas na incumbent officials ng lungsod nang sila ay maging guest resource persons sa buwanang “Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association na ginaganap sa Harbor View Restaurant, Ermita, Maynila.
Anila, magkasama silang tatakbo at magkasabay na maghahain ng certificates of candidacy (COC) sa Oktubre, para sa sariwang mandato o panibagong termino sa 2025.
Sa nasabing forum, mariin at tiwalang idineklara ni Lacuna na walang magbabago sa liderato ng Maynila sa darating na 2025, ibig sabihin ay mananatili sila sa kanilang posisyon at ang kanilang mga nagawa sa mga residente ng Maynila ay sapat na balidasyon para paboran sila ng mayorya ng residente sa Maynila.
Ipinagkapuri ni Servo si Lacuna bilang kanyang partner at tandem sa susunod na taon. Sinabi ni Servo na patuloy siyang binibigyan ng inspirasyon dahil sa mahusay na liderato nito.
Ayon pa sa bise alkalde, ang dedikasyon at sipag ni Lacuna bilang alkalde ng kabiserang lungsod ng bansa ay nagbunga ng maraming benepisyo para sa mga mamamayan ng Maynila.
Samantala, sinabi ni Lacuna na bagamat magandang tingnan ang infrastructures, mayroon mga pangangailangan na higit na dapat bigyang pansin at unahin tulad ng pagtulong sa mga mamamayan at upang mas marami ang makinabang.
Sa puntong ito ay ikinompara ni Lacuna ang housing projects kung saan kakaunti ang makikinabang kompara sa special assistance program (SAP) na nagbibigay ng monthly cash aid sa lahat ng senior citizens, persons with disability, minors with disablity, solo parents, university students na ang bilang ay umaabot ng daan-daang libo.
Ang cash assistance na tinatanggap ng mga benepisaryo ayon pa kay Lacuna ay higit pa sanang mas malaki kung hindi nagbabayad ang pamahalaan ng
P17.8 bilyong utang na iniwan ng nakaraang administrasyon.
Gayonman, sinabi ni Lacuna, ang kanyang administrasyon ay patuloy pa rin sa kanilang infrastructure projects base na rin sa tinatawag na proof of concept, ibig sabihin, dapat ay nakabase sa bilang ng dami ng taong makikinabang ang project.
Halimbawa, ang mga school buildings na itinayo kung saan mas marami ang classrooms sa aktuwal na kailangang bilang o dami ng populasyon ng mga estudyante.
Kabilang sa mga proyekto ni Lacuna na tapos na sa susunod na buwan ay ang animal shelter and clinic malapit sa Vitas Slaughtherhouse. Ang six-storey school buildings sa Tondo, sa District 5 at sa District 6.
Ang mga paaralang tatayuan ng gusali sa Tondo ay ang Isabelo Delos Reyes Elementary School at Emilio Jacinto Elementary School at inaasahang matatapos ito sa mga unang buwan ng 2025. Sa District 5 naman ay ang Aurora Quezon Elementary School, na tapos na ang Phase 1 at sisimulan na rin ang Phase 2, nag- groundbreaking ang V. Mapa School sa Disrict 6, at malapit na itong simulan.
“Depende kasi sa populasyon ng mag-aaral kaya six-storey school ang buildings. Matatapos na rin ang pagpapagawa ng Aurora Quezon Health Center,” dagdag ng alkalde.
Samantala, sinabi ng lady mayor na ang kanyang administrasyon ay humingi ng tulong sa lahat ng punong barangay sa pagbibigay tiwala sa kanila sa pamamahagi ng nasabing monthly cash assistance sa mga senior citizens, persons with disability, minors with disablity, solo parents and university students.
“Ginawa naming mas efficient ang delivery of SAP by tapping barangays instead of PayMaya. Nakita naming ‘di epektibo ang PayMaya dahil di nakukuha ng senior using PayMaya. In fact, meron pa tayong pondo na hanggang ngayon nasa PayMaya kaya pinagkatiwalaan na sila (barangay chairmen) mismo ang mamigay. For five to seven days ay nasa kanila ang pondo para direkta itong maibigay, mas on time at mas efficient,” saad nito.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Servo na sa ilalim ng kanyang pagtitimon bilang Presiding Officer ng Manila City Council at pagkatapos ng 77 taon, ang Konseho ay nakapag-digitize na ng 9,000 ordinances at dahil dito ay click away na lang ang mga gustong malaman ng kahit na sino pagdating sa mga ordinansa. (BONG SON)