MATAGUMPAY ang pamamahagi ng tulong pinansiyal ng Las Piñas City, sa kolaborasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mahigit 5,000 kalipikadong benepisaryo sa isinagawang Kadiwa ng Pangulo kasabay ng payout sa Verdant Covered Court, Barangay Pamplona Tres sa lungsod.
Ang distribusyon ng P2,000 financial aid ay bahagi ng inisyatibang pambansang Kadiwa ng Pangulo na layuning magbigay ng ginhawa sa ekonomiya para sa mga pamilyang Las Piñeros na hindi sapat ang kinikita.
Personal na tinutukan ni Vice Mayor April Aguilar ang pamamahagi ng ayuda para sa mga benepisaryo sa lungsod.
Inihayag ng bise-alkalde ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., at sa DSWD.
Binigyang-diin ni Vice Mayor Aguilar ang kahalagahan ng programa upang tiyaking maabot ng
mahalagang tulong pinansiyal ang mga taong pinakanangangailangan lalo ang mga nahihirapan bunsod ng kanilang mataas na gastusin sa araw-araw at iba pang hamon sa ekonomiya.
Ang pay-out ay bahagi ng mas pinalawak na inisyatiba ng Kadiwa ng Pangulo, na hindi lamang nakatuon sa pagbibigay ng financial assistance kundi magkaroon ng abot-kayang mga produkto para sa mga komunidad sa pamamagitan ng nasabing programa. (EJ DREW)