Saturday , December 21 2024

House and senate hearings walang kinahahantungang resulta o konklusyon man lang

YANIG
ni Bong Ramos

MARAMI ang nagsasabi kabilang ang ilan sa mga eksperto na walang kinahahantungang resulta o konklusyon man lang ang ginagawang pagdinig at imbestigasyon ng Kongreso at Senado.

Batay ito sa mga personalidad na sangkot sa iba’t ibang anomalya na kanilang kinukumbida para tanungin hinggil sa mga kasong kinasasangkutan.

Sayang lang anila ang oras, panahon, at abalang ini-ukol ng mga mambabatas sa mga taong paglaon ay bigla na lamang silang hindi sisiputin sa kanilang itinakdang pagdinig.

Sa bandang huli ay malalaman na lamang na nagtatago at meron din nag-self-exile sa ibang bansa, kung saan sila mayroong immunity at hindi puwedeng pakialaman at arestohin nang basta-basta.

Walang kamatayang tanungan, papogian at walang patumanggang pagpukaw ng pansin ang obvious na makikita sa mga senador at congressman na sa bandang huli ay sila-sila rin ang magkakapikonan.

Hindi natin malaman kung pinapaikot o nilalaro na lang sila ng mga personalidad na kanilang pinadalhan ng summon o subpoena at pinag-ukulan ng panahon.

Ilan sa mga sikat na personalidad na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin malaman kung saang lupalop naroroon ay sina dating BuCor chief Gen. Gerald Bantag, dating Bamban Mayor Alice Guo, at Pastor Apollo Quiboloy.

Si former congressman Arnie Teves naman ay sina-sabing nasa Timor Leste. Sila ay may immunity kung kaya’t hindi puwedeng pakialaman ng ating gobyerno nang basta-basta.

Ganoon na lang ba iyon, sa kabila ng multiple murder na kasong isinampa laban sa kanya dahil siya ang mastermind sa pagpatay kay Negros Governor Degamo at 13 iba pa.

Si Bantag naman ay sinasabing utak din sa pagpaslang kay hard-hitting broadcaster Percy Lapid at iba pang mga inmate sa New Bilibid Prison (NBP) partikular kay high-profile inmate na si JB Sebastian.

Ang dating mayora ng Bamban na si Alice Guo ay isinasangkot sa ilegal na POGO sa kanyang munisipalidad. Sinampahan din siya ng kasong human trafficking, illegal entry sa Filipinas sampu ng kanyang pamilya at falsification of public document.

Ang Pastor na si Quiboloy na napag-alamang isang malapit na kaibigan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay inakusahan din sa kasong human trafficking, child at sexual abuse.

Sila ay bigla na lamang nawalang parang bula. Ilan din ang nagsasabing ikinakanlong ng mga makapangyarihan at maiimpluwensiyang mga tao.

Si Quiboloy daw ang painakamatindi sa lahat sa kadahilanang imbes siya ang bigyan ng kondisyon ng gobyerno, kabaliktaran ang nangyari dahil siya ang nagbibigay ng terms and condition sa Senado ayon sa nais niyang mangyari.

Ilan pang mga personalidad na isinalang din sa Senate hearing ang mga pulis na sina Lt. Col. Ybanez at Sgt. Mayo at iba pang opisyal ng PNP.

Sila ay sinasabing nagpuslit ng tone-toneladang kompiskadong shabu na may street value na umaabot sa P 6-bilyon.

Isa pang mabigat na personalidad ang dating PDEA agent na si Cristopher Morales na nag-expose sa PDEA leak. Maraming tao ng isinangkot at sinira nito kabilang na si President Ferdinand Marcos, Jr., at diamond star Maricel Soriano.

Bagama’t hindi nagtatago, hindi naman natin alam ang latest development hinggil sa kanilang kaso at kung saan sila naroroon.

Magulo, meron din teknikalidad at maraming komplikasyon ang namumutawi sa tunay nilang kalagayan dahil bilyon ang kanilang salapi. Bulag at ligaw tayong lahat sa usaping ito.

Ang tanong dito ay kung ano ang resulta at konklusyon ng ating mga mambabatas base sa mga ginawa nilang pagdinig.

Naresolba kaya ang problema o nananatiling problema pa rin. Sayang ang namagitang espadahan ng laway ng dalawang panig sa mga naganap na pagdinig. Harinawa’y huwag itong maging usapang-laway.

About Bong Ramos

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …