TUMANGGI ang Commission on Audit (COA) na ilabas ang kanilang audit report sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), sa rason na ‘confidential nga o ito’.
Ang budget ng OVP at DepEd na dating pinamumunuan ng bise presidente ay pinag-uusapan ngayon sa budget hearings para sa darating na taong 2025.
Ayon kay COA chairman Gamaliel Cordoba, “hindi maaaring isapubliko ang audit report dahil confidential ito.”
“Because of the nature of the funds, which is confidential, hindi po namin madi-disclose,” ayon kay Codorba sa pagdinig ng House committee on appropriations.
Si Cordoba, bilang chairman ng COA ay dumalo sa pagdinig sa Kamara de Representantes.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro gustong malaman ng taongbayan kung saan napunta ang pondo ng bise presidente at ng kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.
Naghain ng mosyon si Castro sa committee on appropriations upang ipa-subpoena ang mga dokumentong may kaugnayan sa audit report ng COA sa confidential funds ng OVP at DepEd.
Dumalo ang COA sa Kamara para sa P13.417 bilyong panukalang budget sa susunod na taon.
Ang tinutukoy ng kongresista ay ang P125 milyong confidential funds ng OVP noong 2022, P150 milyon ng DepEd noong 2023, at P500 milyon ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte noong 2023.
Kinompirma ni Cordoba na nakapagsumite na ang OVP at DepEd ng liquidation reports at mayroon na rin audit action at findings ukol dito.
Pero dahil confidential ay hindi ito maaaring isapubliko ng COA kaya inihirit ni Castro na maisumite ang Audit Observation Memorandum (AOM), notice of disallowances, accomplishment reports, at suspension.
Ayon sa committee on appropriations, hindi pa maaaring pag-usapan ang mosyon nila dahil sa kasalukuyang budget briefings. (GERRY BALDO)