YANIG
ni Bong Ramos
CORRECT, walang kaduda-duda na ang kaibigan mo ngayon ay magiging pinakamahigpit mong kaaway kinabukasan kapag pinasok mo ang politika.
Hindi lang kaibigan kundi ultimo ang iyong kapamilya, mga kamag-anak at iba pang malapit sa buhay mo ay hindi ka nakasisigurong mananatiling tapat sa iyo habang panahon.
Siguradong darating kasi ang panahon na ang inyong mabuting samahan at relasyon ay malalamatan na pag-uumpisahan ng hidwaan bunga ng mga usapin at mga isyung puwedeng ipukol sa iyo.
Nandiyan na rin ang inggit at paghahangad ng marami sa estadong iyong kinalalagyan. Madali lang at simple lang ang estilo upang maisagawa ang plano at nais na mangyari.
Una rito ang bunsol at gatong ng mga taong nasa paligid ng politiko. Kasama na rin dito ang hanapan ka ng butas at mga negatibong isyu na lalabas na black propaganda.
Hindi naman puwedeng isang tao lang ang gina-gatungan, kailangan dito ay vice-versa, ang taong kasalukuyang nakaupo at ang taong gusto nilang ipalit sa nakaupo.
Natural na ito na ang magiging ugat ng mga sama ng loob, pagtatanim ng personal na galit at pride ng magkabilang panig na hindi basta pwedeng ibaba at bigay na lang nang ganoon na lang.
Dito na masisira ang dating magandang relasyon at samahan. Hindi na pinag-uusapan dito kung kaibigan o kamag-anak ka pa. Ganyan kadumi ang laro sa politika.
Wala rin namang ibang motibo ang mga taong nasa likod nito kundi ang makinabang sa nakaupo at sa taong nais nilang iluklok sa liderato para sa sarili nilang kapakanan.
Marami nang kaganapan at pangyayaring ganito ang ating nasaksihan na ang dating malalapit na magkaibigan ay naghihiwalay upang kalabanin ang isa’t isa dahil sa politika.
Hindi lang magkaibigan, ang iba rito ay magkapamilya at magkamag-anak na nagsama halos nang apat na dekada ngunit humantong din sa paghihiwalay.
Maski ang kasaysayan natin ay magpapatoo na maraming magkaibigan ang hindi nagkasundo at ang iba ay napatay pa dahil lang sa politika na ang tanging layunin ay kapangyarihan.
Balikan natin ang unang Pangulo ng Filipinas na si Emilio Aguinaldo. Hindi ba’t isa sa mga matalik niyang kaibigan si Andres Bonifacio na sinasabing dapat na unang presidente ng bansa.
Hindi ba’t isa rin sa mga kaibigan niya si Heneral Antonio Luna na naging matapat na Heneral sa kanya sa kanyang administrasyon.
Anyare sa dalawa? Totoo kaya ang isyung sadyang ipinapatay daw ni Aguinaldo dahil ang dalawa ang may kakayahan na pumalit sa kanya bilang presidente, ewan din natin.
Anyare kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., at dati niyang Secretary of Defense Juan Ponce Enrile at dati rin niyang Vice Chief of Staff Fidel Ramos?
Hindi ba’t ang dalawa ang mga nangungunang personalidad na kasama ni Apo Lakay nang ideklara niya ang Martial Law noong 1972.
Sinasabi rin na sila ay malalapit na magkamag-anak. Mantakin ninyong mahigit 50 taon na magkasama mula nang kanilang kabataan hanggang sa administrasyon ni Apo Lakay.
Anyare, ‘di ba’t bumaliktad din at pumanig sa administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino ang dalawa noong kasagsagan ng people power na kinagisnan nating EDSA revolution.
Ano ang nangyari sa pinagsamahan nila ni Apo through thick and thin, ito ay nawalang lahat sa isang iglap.
It ended up through sweet nothings including principles in life.
Dumako naman tayo sa mga Duterte at mga Marcos na dating magkasanggang-dikit lalo noong panahon ng una na siya pang nagpalibing sa labi ni Apo Lakay sa Libingan ng mga Bayani.
Bukod dito, hindi ba’t naging magkapartido pa sa UNITY team si PBBM at Vice-President Sara Duterte noong nakalipas na presidential election?
Makalipas ang ilang taon ay tila nagsaulian na ng kandilang mga kandila? Mukhang kumakalas na rin si VP Sara kay PBBM na may balak pang bumuo ng sarili nilang partido.
Dito naman tayo sa Lungsod ng Maynila, ano naman kaya ang nangyari kina YorMe Isko Moreno at incumbent Mayor Honey Lacuna na maglalaban sa single fight bilang mga alkalde sa 2025.
Higit pa sa mag-kaibigan kung magturingan ang dalawa. Kung ating matatandaan, hindi ba’t si Isko pa ang nag-endoso kay Lacuna bilang Mayora samantala siya ay tumakbo sa pagka-Pangulo.
Hindi ba’t ang tatay ni Honey Lacuna na si dating Vice-Mayor Danny Lacuna ang itinuturing na tatay at adviser ni Isko sa larangan ng politika, anyare? Kung bakit of all the people ay silang dalawa pa ang magiging magkatunggali… he he he…
Totoo at makatotohanan nga ang kasabihang: “Ang kaibigan mo ngayon ay puwedeng mahigpit mong kaaway kinabukasan kapag pinasok mo ang politika.”
Talagang ganon, hindi ba’t ang iba riyan ay wala nang dapat na hilingin pang iba dahil nasa kanila na ang lahat. Bukod sa walang kakontentohan sa buhay, kailangan manatili sa kanila ang fame, power, and glory.