Monday , December 23 2024
BBM Bongbong Marcos Daniel Fernado Bulacan

Target ni PBBM
WATER IMPOUNDING FACILITIES, PINAKAMAHALAGANG SOLUSYON KONTRA BAHA

PRAYORIDAD ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ipatayo ang mas maraming water impounding facilities sa mga lalawigan sa Gitnang Luzon bilang pangmatagalang solusyon sa pagbabaha.

Ito ang binigyang diin ng pangulo sa ginanap na situational briefing sa Kapitolyo ng Bulacan, sa lungsod ng Malolos, kaugnay ng mga pinsalang idinulot ng bagyong Carina.

Aniya, ito ang pinakamainam at epektibong solusyon sa mga pagbaha sa rehiyon.

Ipinaliwanag ni Marcos na bagaman may ginagawang mga dredging o paghuhukay sa mga anyong tubig at mga pumping stations upang higupin ang tubig palabas sa Manila Bay, makatutulong ang mga water impounding facilities sa sabay-sabay na sitwasyon gaya ng pagbuhos ng malakas na ulan, pagpapakawala ng mga dams at ang high tide.

Matatandaan na natukoy ng Department of Public Works and Highway (DPWH) noong 2023 nang tumama ang mga magkasunod na bagyong Egay at Falcon, na kabilang sa mga plano ang pagtatayo ng isang water impounding facility sa isang bahagi ng Candaba Swamp sa Pampanga.

Layunin nitong maipon ang sobrang tubig na pakakawalan mula sa mga dam ng Bustos, Ipo, at Angat.

Bukod dito, magiging katiyakan ang magiging water impounding facility sa patubig para sa mga sakahan ng palay sa panahon ng tag-araw.

Ibinalita ni Bulacan Governor Daniel Fernando na sinimulan na ng National Irrigation Administration (NIA) ang konstruksiyon ng Bayabas Dam sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.

Ang 2.4 bilyong Bayabas Small Reservoir Irrigation Project ay mag-iipon ng mga sobrang tubig sa bahaging ito ng kabundukan ng Sierra Madre.

Sa panahon ng tag-araw, isasalin ito sa Angat-Bustos Dam system upang mapatubigan ang 150 ektaryang mga lupang sakahan ng palay sa Bulacan.

Ang mga kagaya nitong pasilidad ay magsasalba sa mga sakahan na hindi malunuran o masiraan ng tanim na Palay, gayondin upang huwag matapon ang mga palaisdaan sa panahon ng tag-ulan at may malakas na bagyo.

Ibig sabihin, mapoproteksiyonan ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, at ang seguridad sa pagkain ng karaniwang mga mamamayan.

Maiiwasan ang mga kagaya ng P103.7 milyong pinsala sa agrikultura o pagsasaka sa Bulacan at P95 milyon sa Bataan. Malaki rin ang pinsala sa aspekto ng impraestruktura dahil sa malawakang pagbaha.

Sa Bulacan, may inisyal na P789 milyon ang nasirang mga kalsada, tulay at ilang pampublikong pasilidad.

Kaugnay nito, habang hinihintay ang pagsasakatuparan ng pagtatayo ng mga water impounding facilities at rehabilitasyon sa iba pang mga napinsala, tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na tuluy-tuloy ang paghahatid ng mga family food packs sa tatlong lalawigan.

Aabot sa 90,086 family food packs ang naipadala na ng DSWD sa Bulacan habang may paparating pang 109,781. Sa Pampanga, nakapagpadala na ng mahigit 107,000 at may karagdagan pang 42,000. Habang nabigyan na ng 62,119 ang Bataan at 96,000 pa ang ipadadala ng DSWD.

Ibinalita ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na maglalaan ang ahensiya ng P176 milyon para sa programang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/displaced workers (TUPAD) na P46 milyon ang para sa Bulacan.

Gagamitin ang programang ito upang maparami ang mga naglilinis sa mga lansangan at muling magsasaayos ngayong humuhupa na ang mga baha.

Sa aspektong kalusugan, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, may isang batang 5-anyos ang namatay dahil sa diarrhea sa lungsod ng Baliwag sa Bulacan. Kaya’t magkakaroon aniya ng pagsusuri sa kalidad ng mga inuming tubig o potable water sa rehiyon ngayong nagkaroon ng malawakang pagbabaha.

Gayondin ang pagsusulong na mabakunahan ang mga bata.

Samantala, bukod sa layuning matuloy ang pagkakaroon ng mga water impounding facilities, nagkakaisang isinusulong nina Governor Fernando, Pampanga Governor Dennis Pineda, at Bataan Governor Joet Garcia, na maisakatuparan ang isang megadike coastal defense na magkukulong sa dalampasigan mula sa Obando, Bulacan hanggang sa Mariveles, Bataan.

Bukod sa mapipigilan nito ang pagbaha dahil sa high tide, uubra rin itong maging alternatibong ruta na magkakaroon ng isang expressway sa ibabaw ng planong megadike. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …