SUSPENDIDO ang klase sa ilang paaralan sa Metro Manila at lalawigan ng Cavite dahil sa matinding pag-ulan at paglakas ng hangin dulot ng bagyong Carina.
Sa Maynila, sinuspendi ni Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan ang klase sa elementary at high school sa mga pribadong paaralan dahil sa Yellow Rainfall Warning na ipinalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa Malabon City, suspendido rin ang klase sa lahat ng antas dahil sa epekto ng habagat at high tide.
Samantala, iniutos ni Navotas City Mayor John Rey
Tiangco ang suspensiyon ng mga klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa rekomendasyon ng
City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRDMO) batay sa babala ng state weather agency – Pagasa, na itinaas sa Yellow Rainfall Warning ang Metro Manila.
Nagdeklara rin si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ng suspensiyon ng klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa Caloocan City dahil sa masungit na panahon.
Inihayag ni Cavite Gov. Jonvic Remulla sa X (dating Twitter) ang class suspensions sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Batay sa Pagasa bulletin, pinalakas ng bagyong Carina ang habagat kaya asahan ang katamtaman hanggang sa matinding pag-ulan sa kanlungang bahagi ng Luzon.
Itinaas ng Pagasa ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 10 lugar sa Luzon, habang pinananatili ng bagyong Carina ang lakas na tinutunton ang dulong Hilagang Luzon patungong Taiwan.
Ang 10 lugar sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ay Batanes; Babuyan Islands; Hilaga at silangan bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Lal-Lo, Gonzaga, Buguey, Santa Teresita, Aparri, Camalaniugan, Ballesteros, Allacapan, Abulug, Pamplona, Claveria, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Lasam, Alcala);
Silangang bahagi ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon, Dinapigue, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Cabagan, San Pablo, Santa Maria);
Hilagang bahagi ng Apayao (Calanasan, Luna, Pudtol, Flora, Santa Marcela); Hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Bangui, Adams, Dumalneg, Burgos, Vintar);
Hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran); Polillo Islands; Calaguas Islands; at Hilagang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto, Caramoran).
Sa pinakahuling ulat g Pagasa, namataan ang bagyong Carina 380 kilometers sa silangan hilagang-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan, may lakas na 130 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 160 kph. (HNT)