KINILALA ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang paglilingkod ng mga barangay health workers na nagsilbing health workers noong panahon ng pandemya, kasabay ng pamamahagi ng ayuda sa mga solo parents sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS).
Ang distribusyon ng ayuda sa mahigit 1,000 benepisaryo ay pinangunahan ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna, kasama sina Vice Mayor Yul Servo Nieto, Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso, at anak ni Senator Grace Poe na si Chief of Staff Brian Poe Llamanzares.
Ginanap ang pamamahagi sa San Andres Sports Complex na inalalayan ni MDSW chief Re Fugoso ang mga kinatawan mula sa tanggapan ni Senator Poe at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa nasabing okasyon, nagpahayag si Lacuna-Pangan ng marubdob na pasasalamat kay Senator Poe sa pagpapadala ng kanyang anak bilang kinatawan at upang gumanap ng kanyang bahagi sa nasabing aktibidad at sa pagsama sa Maynila sa kanyang mga pinagmamalasakitan.
“Alam n’yo, napakasuwerte ng Maynila dahil maraming taong tumutulong sa atin, alam nila ang pangangailangan ng bawat isang Manilenyo. Lahat kami ay instrumento lamang… lahat kami ay nagtutulong-tulong,” saad ng alkalde.
Idinagdag ni Lacuna, “Kayo po ang napili dahil kayo ang karapat-dapat.”
Kabilang sa mga recipients ang mga solo parents mula sa unang distrito ng Tondo.
Kaugnay nito, binigyang komendasyon ng lady mayor ang dedikasyon at tapang na ipinakita ng mga barangay health workers noong panahon ng pandemic, sa kabila ng panganib na kanilang hinaharap sa pagganap ng kanilang tungkulin, gayondin ang mga solo parents sa kanilang lakas at tatag sa pagpapalaki ng kanilang anak kahit nag-iisa sila.
“Kahit anong tulong ay malaking tulong kaya kailangan nating magpasalamat nang bonggang-bongga sa mga tumutulong sa atin,” pahayag ng alkalde matapos pangunahan ang mga dumalo sa pagpapasalamat sa senador.
Kasunod nito, sinabi ng alkalde kay Llamanzares: “In behalf of the 1,000 na matutulungan ngayon, nais kong ipaabot sa ating mabait na senadora ang taos-pusong pasasalamat ng Maynila at bawat isang Manilenyo.”
Sa kanyang bahagi, pinasalamatan ni Llamanzares sina Lacuna at Servo, at sinabing kung wala ang tulong ng kanilang tanggapan ang Office of Senator Poe ay hindi makapagbibigay ng tulong sa mga chosen recipients, na ayon sa kanya ay deserving.
“As chairman of the FPJ Panday Bayanihan,” ayon kay Llamanzares, “it is continuing the legacy of my grandfather, Fernando Poe, Jr., who has always helped as many as possible during his lifetime.”
Sa kanyang bahagi , pinapurihan ni Servo ang barangay health workers at solo parents sa kanilang katatagan at pinasalamatan si Poe dahil laging isinasama ang Maynila sa kanyang mga programa.
Naalala din ni Servo kung paano tulungan ni FPJ ang mga residente kapag pumupunta sa Blumentritt. Ang AICS ay isa sa mga social welfare services ng DSWD na nagbibigay ng medical assistance, burial, transportation, education, food, o financial assistance bilang support services o pangangailangan ng isang indibiduwal o pamilya. (BONG SON)