ISANG babaeng hinihinalang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga ang inaresto matapos bentahan ng shabu ang isang pulis sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong suspek na si alyas Bodie, 42 anyos, residente sa nasabing lungsod.
Ayon kay Col. Cortes, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez ang buybust operation laban sa suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng droga.
Nagawang makipagtransaksiyon ng SDEU operatives sa suspek at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba dakong 1:48 am sa Kapalaran 3 St., Brgy. San Roque.
Ani Capt. Sanchez, nakompiska nila sa suspek ang hindi kukulangin sa 5.17 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang may standard drug price value na P35,156 at buybust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)