MA at PA
ni Rommel Placente
MARAMI ang nagulat nang ibandera ni Ryza Cenon sa social media ang kanyang mga litrato na kalbo siya.
Sabi ng aktres, hindi naging big deal sa kanya ang magpakalbo na kailangan sa magiging role niya sa bagong pelikulang gagawin.
Sa nakaraang episode ng Dapat Alam Mo! na napapanood sa GTV, nakapanayam ng host nitong si Kim Atienza si Ryza at isa nga sa napag-usapan nila ay ang kanyang pagpapakalbo.
“Noong nag-look test kami tapos nakita ko po kasi ‘yung bald cap namin, hindi ako convinced. And then nag-script reading kami, roon ko nabubuo ‘yung character ko. And then na-realize ko na parang, kailangan ko siyang gawin, gusto ko siyang gawin. Mabubuo ‘yung character ko na gagawin ko siya eh,”sabi ni Ryza.
Ang tinutukoy ni Ryza na pelikula ay ang upcoming horror film na Lilim mula sa direksiyon ni Mikhail Red.
Dito, gagampanan niya ang karakter ni Helena, isang miyembro ng kulto at madre na sumasamba sa demonyong si Lilith.
Natanong ni Kuya Kim si Ryza kung nahirapan ba siyang magdesisyon na magpakalbo?
“Sa akin naman po hindi siya big deal eh, sa akin lang.
“Para sa akin, ang hair naman, tumutubo naman kasi siya, bumabalik naman siya. At saka pangarap ko na maging kalbo.
“Nasa bucket list ko po ‘yan, magpakalbo. Kapag nabuntis ako, magpapakalbo ako,” aniya pa.
Nagbiro pa si Ryza na kalbo rin ang kanyang partner na si Miguel Antonio Cruz pati na ang kanilang baby, “So tatlong itlog po kami. Ha-hahaha!”
Pero agad namang sinabi ni Ryza na nirerespeto niya ang mga babaeng grabe ang pagpapahalaga at pag-aalaga sa kanilang hair.
“Kasi ako po para sa akin, nakaya ko ngang magpakalbo. Sa akin, hindi siya ganoon talaga kahalaga.
“Pero I think sa mga babae, may mga kilala ako na friend ko na mahalaga sa kanila ang hair, sobra. Kasi kaunting trim lang, umiiyak na sila,” sey pa ni Ryza.