HATAW News Team
NATAGPUAN ng mga mangingisda ang isang paketeng may timbang na halos isang kilo na naglalaman ng hinihinalang shabu sa bahagi ng West Philippine Sea sa Brgy. Daclapan, bayan ng Cabugao, lalawigan ng Ilocos Sur, nitong Sabado, 29 Hunyo.
Kinompirma ng Ilocos Sur Provincial Forensic Unit na shabu ang natagpuang kontrabando na may timbang na 997.51 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P6,783,068.
Ayon sa pulisya, dinala ng mga mangingisda ang natagpuang shabu na nakabalot sa transparent aqua blue plastic pack saka iniulat sa Cabugao Police Station.
Samantala, ilang oras makalipas nitong Linggo, 30 Hunyo, muling nakasambot ang ibang grupo ng mangingisda ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu sa bahagi ng West Philippine Sea sa Brgy. Apatot, sa bayan ng San Esteban, sa naturang lalawigan.
Dinala ng mga tauhan ng San Esteban MPS ang dalawang pakete sa Ilocos Sur Provincial Police Forensic Unit para sa pagsusuri at kompirmasyon.
Noong isang linggo, aabot sa 80 pakete ng pinaniniwalaang shabu ang natagpuan sa mga dagat ng Ilocos Sur at Ilocos Norte, na may kabuuang timbang na 80 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P550,500,000.
Nananawagan si PRO1 PNP Regional Director P/BGen. Lou Evangelista sa komunidad na maging mapagmatyag at agarang iulat sa mga awtoridad ng mga katulad na insidente.
Ani P/BGen. Evangelista, nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang mga kontrabando.
Pahayag ni Ilocos Sur Provincial Board Member Efren Rafanan, sinusuyod na ng mga awtoridad ang mga coastal area ng nga lalawigan ng Ilocos Sur at Ilocos Norte upang matunton kung may natitira pang mga pakete ng shabu.