HATAW News Team
TINATAYANG P1.1 milyon ang halaga ng mga dolyares na nadiskubre sa dalawang medyas na nawalis ng isang airport staff sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon, 20 Hunyo.
Sa ulat, nabatid na naglilinis si Rosalinda Cellero, isang building attendant sa NAIA, nang mawalis niya ang mga medyas sa ilalim ng mga upuan malapit sa Immigration counters at Office of Transportation Security (OTS) human x-ray machine, lampas 12:00 am.
Nang hawakan ni Cellero ang mga medyas, mayroon siyang nakapa kaya tiningnan niya ang loob nito at doon ay nakita niya ang mga nakabungkos na US Dollars.
Iniulat ni Celerro ang insidente sa kanyang hepe at magkasama nilang isinuko ang cash sa lost and found section ng airport.
Base sa imbentaryo ng mga awtoridad, ang dalawang medyas ay may lamang USD18,800 o katumbas na P1,106,400.
Nanawagan ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa nagmamay-ari ng nasabing cash na kunin ang pera ngunit magdala ng kaukulang katibayan.
Kasalukuyan itong nasa pag-iingat ng Airport Police Department (APD).