PANGUNGUNAHAN ng mabunyi at tanyag na makatang si Merlie Alunan, professor emeritus ng UP Tacloban ang panel ng Ibabao Writers Workshop (IWW) sa Catarman, Northern Samar.
Nasa ikalawang taon ngayon, ang Ibabao Festival ay bahagi ng paggunita sa pagkakatatag ng lalawigan ng Northern Samar, habang ang IWW ay ang bukod-tanging writing workshop sa bansa na buong-buong pinopondohan ng pamahalaang panlalawigan.
Kasama ni Alunan sa teaching panel ang makata at screenwriter na si Jerry B. Gracio, tubong Northern Samar. Bukod sa naunang dalawa, kasama rin sa mga panelists sina TOYM awardee Kristian Cordero ng Ateneo de Naga University Press, fictionist Firie Jill Ramos ng Katig Writers Network, at si Waray language and literature scholar Michael Carlo Villas ng Visayas State University.
Ang workshop — tumatanggap ng mga akda ng fellows sa Ninorte-Samarnon varyant ng Waray language, ganoon din ng Cebuano, Abaknon, Filipino, at English — ay naglalayong paunlarin pa ang kakayahan sa pagsusulat ng mga Nortehanons.
Ang pagpopondo sa nasabing workshop, lalarga mula 7 Hunyo hanggang 11 Hunyo, ay testamento ng dedikasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Northern Samar, na hindi lamang kondisyon at antas ng kabuhayan ng mga mamamayan sa Northern Samar ang iniaangat, bagkus dapat din payabungin ang sining at kultura ng lalawigan.