NASAKOTE ang dalawang lalaking nakatala bilang high value individual (HVI) habang nakompiska ang P387,600 halaga ng hinihinalang shabu sa drug bust operation na isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Cabuyao CCPS nitong Huwebes ng umaga, 30 Mayo, sa lungsod ng Cabuyao, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas Cristopher, 39 anyos, residente sa Brgy. Mamatid, Cabuyao; at alyas Bongbong, 37 anyos, residente sa Brgy. Looc, Calamba, kapwa nakatalang High Value Individual sa ilalim ng Cabuyao CCPS Drug Watchlist.
Sa nasabing operasyon, nasabat ng mga awtoridad ang pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 57 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P387,600; dalawang motorsiklo; isang cellular phone; buybust money; at iba pang drug paraphernalia.
Parehong nasa kustodiya ng Cabuyao CCPS ang mga naarestong suspek at mga nakompiskang ebidensiya upang isasailalim sa drug test at laboratory examination sa Regional Forensic Unit 4A.
Ipinahayag ni P/BGen. Paul Kenneth Lucas na sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng PNP CALABARZON sa kampanya nito laban sa ilegal na droga, nananatiling determinado at dedikado ang tanggapan sa pagtupad sa kanilang mga mandato.
Dagdag niya, “Hindi magsasawa ang ating mga pulis na gawin ang aming mandato na pagserbisyohan at protektahan ang bawat mamamayan ng CALABARZON sa anumang uri ng kriminalidad lalo na ang mapaminsalang epekto ng ilegal na droga.”
Samantala, inihahanda na ang reklamong kriminal laban sa mga suspek para sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (BOY PALATINO)