SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
OKEY na okey kay Alfred Vargas na makipag-collab kay Piolo Pascual. Ito ang ibinahagi sa amin ng FAMAS Best Actor (Pieta) nang makahuntahan isang hapon sa Quezon City.
Pagbabahagi ni Alfred, sinabihan siya ni Piolo na gumawa sila ng pelikula. At dahil pareho naman silang producer at magagaling na aktor, hindi imposibleng mangyari iyon.
“Last night (FAMAS awards) magkasama kami ni Piolo sa backstage with photo ops and interview. Nagbubulungan kami, ibinulong niya sa akin, ‘let’s do a movie.’
“Sabi ko, ‘game ako riyan,’” masayang tsika ni Alfred na never pa pala niyang nakatrabaho o nakasama sa telebisyon o pelikula ang aktor.
Sinabi ni Alfred na masaya siyang maibahagi rin ang pagkapanalo kay Piolo na ka-tie niya bilang best actor sa 72nd FAMAS.
“Kasi naalala ko noong Star Circle days ko, idol ko na si Piolo. Siya talaga ‘yung tinitingala noon. To share the stage and this award with him sinasabi ko, napaka-suwerte ko,” ani Alfred.
Pinuri pa ni Alfred si Piolo at sinabing magaganda ang mga project na ginagawa ng aktor. “Ang gusto ko kasi kay Piolo ‘yung mga ginagawa niyang projects, noteworthy, hindi siya basta-basta gumagawa at ‘yun din ang gusto ko.
“Magaling din siyang producers dahil marami na siyang box office,” dagdag pa.
Nang tanungin namin kung anong role o klase ng pelikula ang gusto naman niyang gawin, sinabi nitong, “gusto ko magpakita ng bago naman. I just do one project a year, ngayon gumagawa ako teleserye, so ayun muna… it’s either movie or teleserye.”
Natanong din namin kung saan mas may pressure, ang pagiging public service ba o ang pagiging aktor.
At nasabi nitong sa public service, “kasi sa acting sarili mo lang ang iisipin mo eh. Ok lang iyon responsable mo ang sarili mo. Sa public service responsable mo lahat ng tao ‘di ba? Kaya minsan, ‘di ba problema na ng pamilya mo mahirap na eh, paano pa kaya problema ng iba. Minsan uunahin mo pa talaga ang iba kaysa sarili mo.”
Ukol naman sa pelikula nilang Pieta, sinabi ni konsi Alfred na iiikot nila sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang pelikulang nagtatampok din kina Nora Aunor, Jaclyn Jose, at Gina Alajar.
Sa kabilang banda, sa acceptance speech ni Alfred sa Famas ay pinasalamatan niya ang mga nakasama sa Pieta at mga indibidwal na sumuporta sa kanyang showbiz career.
“Andito po ako dahil ako ay Filipino mahal ko ang bansang Pilipinas. At mahal na mahal ko ang pelikulang Filipino. Hanggang sa huling araw ko ito ang pangarap ko na ginagawa ko dahil ito ang first love ko.
“Iniaalay ko itong award na ito sa Panginoong Diyos, sa aking pamilya, sa aking asawa: si Yasmien at sa aking apat na anak, lalo na sa aking only boy na si Cristiano.
“Nagpapasalamat din ako kay Direk Adolf Alix for putting up this very humble film at kay Jerry Gracio na nominated din kanina. Imagine napag-sama sama nila si Nora Aunor, Gina Alajar, at Jaclyn Jose. Nagpapasalamat ako sa kanilang tatlo dahil dream come true na makagawa ng pelikula na kasama sila.
“Iniaalay ko rin ito kay Jaclyn Jose. Ito yata ang huli niyang pelikula. At doon sa scene na magkakasama kami nila Nora, Gina at Jaclyn, nag-uusap kami ni Ms Jane sa tabi at ang dami kong natutunan sa kanya. Ms Jane, para rin sa inyo ito.
“Gusto ko rin ialay ito sa lahat ng staff ko. They are so hardworking. Kaya pa rin ako makakapag-pelikula at acting kasi ang galing ng staff ko. Nababalanse ko ang lahat. Thank you,” ani Alfred.
Wala pang planong gumawa ng pelikula si Alfred ngayong taon. Sa kasalukuyan napapanood siya sa GMA drama series na Forever Young kasama sina Nadine Samonte at Euwenn Mikaell.