PERSONAL na pinangasiwaan ni Parañaque City Police Chief PCol Melvin Montante ang isinagawang clean-up drive at road clearing operations alinsunod na rin sa kautusan ni NCRPO RD PMGen Jose Melencio Nartatez Jr at gabay ni SPD DD PBGen Leon Victor Z Rosete kung saan ang ilang dekada nang lugar ng mga side-walk, illegal vendors at informal settlers mapayapang nalinis sa PNR Site, Bicutan Public Market, East Service Road, Brgy. San Martin de Porres, Parañaque City.
Katuwang ni PCol Montante ang kanyang mga tauhan partikular na sina PCapt Zambale ng Sub Station 8; PltCol Solas,ACOPO; Taguig CPS chief PCol Olazo; SPD DCADD PCol Jenny Tecson at DMFB SPD.
Ang makabuluhang clean-up drive ay nagresulta sa pagkalinis ng naturang lugar kung saan aabot sa mahigit na 10-trak ng Parañaque at Taguig LGU ang patuloy na naghakot ng mga basura at mga nagibang materyales ng mga informal settlers.
Nabatid na ilan sa mga informal settlers sa area ay dati nang napabilang sa mga na-relocate sa probinsya subalit bumalik sa naturang lugar upang muling manirahan at makapagtinda sa area. Bagay na tinuldukan sa kasalukuyan upang maisaayos ang area at makapagbigay-daan rin sa proyekto ng PNR.
Sa matagumpay na cleanup and road clearing operation na bahagi ng proyektong “Kalinisan sa Bagong Pilipinas” ay natuldukan ang masikip na daloy ng trapiko na matagal na anila nang naging problema sa area. (BRIAN BILASANO)