YANIG
ni Bong Ramos
WALANG NAPALA, walang nahita at walang nakuhang konkreto ang Senado sa mga pahayag ng whistleblower na si former Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales hinggil sa sinasabi nitong ‘PDEA leaks.’
Sayang lang ang oras, abala at panahon na iniukol ng senado dito partikular sa Senate committee on peace and order and illegal drugs na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang Chairman.
Humantong ang imbestigasyon sa ‘cite of contempt’ laban kay Morales at sa isang alyas Bikoy. Naramdaman siguro ng mga Senador na pawang mga kasinungalingan lang ang sinasabi nito at pinapaikot na lamang sila. Napikon na siguro.
Sa simula pa lang ng Senate hearing, marami mga eksperto ang nagsasabing ito ngang si Morales ay nuknukan at lehitimong sinungaling.
Isa na rito si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa nagsabing si Morales ay isang ‘professional liar’ na parang isang jukebox na kapag hinulugan ng barya ay kung ano-ano na ang kinakanta nang wala sa tono.
Mantakin ninyong napakaraming mga personalidad ang dinamay sa kanyang huwad na expose hinggil sa mga anomalya sa PDEA.
Unang-una na rito si PBBM, dating Executive Secretary Paquito Ochoa, Diamond star Maricel Soriano, dating PDEA Director-General Dionisio Santiago, Gen. Virgilio Lazo, at marami pang iba.
Dumating sa puntong isa sa kanyang pinangalanan na isang alyas Kumar ay tumaas ang presyon at halos atakehin sa puso dahil sa pagkakadawit sa kanya ni dating PDEA agent Morales.
Mantakin ninyong ang mga taong isinasangkot niya dito ay batay lang sa salaysay ng isang tao na kanyang iniimbestigahan hinggil sa droga ilang taon na ang lumipas.
Ang nasabing tao na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin niya pinapangalanan dahil daw labag sa batas. Protektado rin niyang mabuti ang tinutukoy niyang tao.
E paano naman ang mga taong isinangkot at idinamay niya. Paano ang mga reputasyon nila, siguradong sira ‘di po ba?
Ang lahat ng usaping ito ay nag-ugat matapos na makasakote ang PNP ng tone-toneladang shabu sa isang checkpoint sa Batangas na nagkakahalaga ng mahigit sa sa P 3 bilyon.
Pinapalabas na ang insidenteng ito ay gawa-gawa at scripted lang ng kasalukuyang administrasyon upang umani ng papuri sa mga mamamayan.
Ito anila ay mga dating kompiskadong ebidensiya na inimbak sa isang warehouse at bigla na lamang inilabas para sa sinabing kaganapan.
Ipinagpapalagay din na patama ito kay FPRRD. Lumalabas kasi na sinabi umano ng kasalukuyang administrasyon na puwedeng makahuli ng ganito karaming droga nang walang isa mang tao ang namatay.
Batay sa paningin, para din sinasabing hindi na kailangan pang pumatay ng libo-libong mga tao tulad ng ating nasaksihan noong panahon ni FPRRD.
Sa halip na purihin ang naging accomplishment ng PNP, hinanapan pa ito ng butas na may intensiyong ipahiya ang kasalukuyang administrasyon.
Sa eistilo ng mga ipinahahayag ni Morales, mukhang binigyan siya ng pahintulot at blessing ng isang taong may kapangyarihan pa rin hanggang sa ngayon.
Para bagang scripted at pinag-aralan na ang lahat ng sasabihin nito na ang tanging motibasyon ay sirain ang kredibilidad na ginawa ng kasalukuyang administrasyon, obvious naman ‘di ba?
Mantakin ninyong “out of the blues” ay bigla na lamang lumantad si Morales na wala namang sinabing masustansiya’t totoo.
Kung tutuusin ay mas may katotohanan ang mga ibinunyag nina Casanas, Matu-mato, at Col. Aciria hinggil sa mga naging kaganapan noong panahon ni FPRRD dahil sila mismo ang mga tauhan at napag-utusan nito.
Nandiyan umano ang utusan silang patayin ang kung sino-sinong tao, na si Digong daw mismo ang nasa likod ng ilegal na droga kasosyo si Senador Bong Go at ang Financial adviser niyang si Michael Yang. Presidente mismo ang inaakusahan nila. Ultimo mga libingan ng mga ipinapatay sa kanila ay handang ituro nang walang pag-aalinlangan… ngunit anyare?
Wala raw kredibilidad ang tatlo at pawang pantasya lamang at imahinasyon ng mga utak ang gumagana sa kanila.
E kung ikokompara mo naman ito sa mga inihahayag ni Morales, mas malapit sa katotohanan ang sinasabi nina Casanas at iba pa, di po ba?
Anyare sa Senate Hearing, nag-eskrimahan lang ng laway ang mga senador at si Morales at iba pang mga tao na ipinatawag ng committee, paikutan lang, parang karnabal.
Sa contempt lang pala hahantong ang lahat. Walang napatunayan, walang naging topic na puwedeng pag-aralan. Sa madaling-salita, walang nangyari sa Senate hearing, sayang lang ang panahon at oras na iniukol dito. (30)