ni Almar Danguilan
MASAKLAP ang inabot ng dalawang kolehiyala na sumang-ayong makipagtalik sa 28-anyos American national na nakilala nila sa ‘dating app’ nang sila’y pagbubugbugin matapos humingi ng paunang bayad sa loob ng isang hotel sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa report ng Masambong Police Station 2 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 6:00 pm nitong Miyerkoles, 15 Mayo, nang maganap ang insidente sa loob ng Dream World Hotel na matatagpuan sa EDSA, Brgy. Phil-am, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Kathleen Quejado ng Station Women and Children Concern Section, nakilala sa ‘dating app’ ng mga biktima na itinago sa pangalang Marielle, 22 anyos, at Sandra, 28, ang Amerikanong kinilalang si alyas Christopher.
Nakipagkasundo ang mga biktima na magbibigay ng ‘sex service’ sa dayuhan kapalit ng pera.
Sumang-ayon naman ang dayuhan at kasama ang mga biktima ay nag-check-in sa hotel.
Nang nasa loob na ng hotel ang mga biktima ay hiningan nila ang suspek ng paunang bayad pero nagalit ang dayuhan saka ginulpi ang dalawang babae.
Agad nakalabas ng hotel ang mga biktima at humingi ng saklolo sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa Amerikano.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women & their children (VAWC) laban sa dayuhan.